Konsehal na gustong mag-artista
Tumawag sa amin si Vice Mayor Isko Moreno, nasira raw ang kanyang cellphone kaya hindi namin siya makontak nitong mga nakararaang araw, ibang numero ang ginagamit niya ngayon pero nakiusap siyang huwag naming burahin ang dati niyang number dahil gagamitin niya pa rin yun.
Nagbigay siya ng sagot sa akusasyon ni Konsehal Abel Viceo ng District 2, wala raw katotohanan ang mga pahayag nito na tatlong beses niyang minura ang konsehal, wala raw naganap na murahan sa kanilang pagitan.
Ayon pa kay Vice Mayor Isko, “Pathological liar ang konsehal na yun, bakit ako ang pinag-iinitan niya ngayon, bakit hindi na lang niya ayusin ang problema niya sa mga kasamahan niyang councilors?
“Nasaan ba ang problema? Bakit out of 38 councilors, e, 37 ang may ayaw sa kanya? Sino ang may diprensiya kapag ganun, ang treinta’y siyete pa rin kayang konsehal o siya na mismo?” mabilis na sangga ng ikalawang ama ng Maynila.
Hindi siya masyadong tumutok sa isyu ng pagkakahuli sa mga ilegal na notary public na nag-oopisina sa mismong kuwarto ng dalawang konsehal, mas sinentruhan niya ang hindi raw magandang imahe ni Konsehal Abel Viceo sa mismong grupo nito, yun daw ang ipinayo niya sa konsehal nung mag-usap sila.
“Ang sinabi ko sa kanya, e, ayusin niya ang problema niya sa Konseho. Maraming may ayaw sa kanya sa grupo, hindi lang majority yun, lahat talaga, ayaw sa kanya.
“Ang totoo, e, kasama sana siya sa biyahe ng mga konsehal sa Korea, pero ang nangyari, nung malaman ng mga kasamahan niyang konsehal na sasama pala siya, nag-urungan na yung iba!
“Nung hindi na siya kasama, saka lang uli nagsamahan ang mga kapwa niya konsehal, nasaan ngayon ang problema? Nandun pa rin ba sa mga kasamahan niya?” pagpapatotoo pa ng aktor-pulitiko.
Sa pabirong pagsasalita ay sinabi rin ni Vice Mayor Isko Moreno na matagal na raw gustong mag-artista ni Konsehal Abel Viceo, yun daw ang gusto ng konsehal, ang palagi itong napag-uusapan.
* * *
Bilang sagot sa mga pahayag ni Vice Mayor Isko ay nagbigay naman ng kanyang panig ang konsehal ng ikalawang distrito ng Maynila, nasaktan siya sa mga akusasyon ng kanyang vice mayor, puro kabaligtaran daw ang sinabi nito sa amin.
“Ngayon ko lang po nalaman na galit pala sa akin ang 37 councilors, wala po akong alam na ganun at dahilan kung bakit, mabuti pa si vice mayor at siguradong galit sa akin ang lahat ng mga kasamahan ko.
“Pero bakit kaya nung ipademanda niya ako ng disturbance of proceedings, bakit 13 councilors lang naman ang pumirma out of 37, ganun po ba ang sinasabi niyang walang may gustong kapwa konsehal sa akin?” madiing pahayag ni Konsehal Abel Viceo.
Tungkol naman sa sinabi ni Vice Mayor Isko na matagal na niyang gustong mag-artista ay meron ding sagot dun ang konsehal.
“Hindi po ako puwedeng maging artista dahil hindi po ako marunong umarte at magkunwari. Ayoko po ng pakaway-kaway at puro propaganda lang. Ayoko po ng puro billboard lang kung saan nakikita ang mukha ng politiko.
“Ayoko ng puro pakitang-tao lang. Ang ambulansiya ko po, naglilingkod nang 7 days a week, 24 hours a day for the past 14 years.
“Pakitanong n’yo po sila kung nagagawa nilang magserbisyo nang 24 hours a day, may halalan man o wala. Mapatutunayan po ng mga ka-distrito ko na nung matalo ako, nagagamit pa rin nila ang ambulansiya ko.
“Kahit wala na po ako sa public service-posisyon, itinuloy-tuloy ko pa rin po ang pagseserbisyo ko sa mga nasasakupan ko,” katwiran ng konsehal.
Pinaninindigan niya na tatlong beses siyang minura ng kanyang vice mayor, marami raw nakarinig sa aktor-politiko nung gawin nito sa kanya yun, hindi raw niya makakayang lokohin ang kanyang sarili.
- Latest