KC maganda ang facial expression
O ano, ’di napahiya ang mga nanira sa birthday concert nina Marian Rivera at Dingdong Dantes?
Napanood na noong Linggo ng gabi sa GMA 7 ang ginanap na birthday show nina Marian at Dingdong na sinisiraan at sinasabing hindi successful.
Hindi naman siguro daya yung nakita ng maraming manonood sa Araneta Coliseum. Marami pa nga ang hindi nabigyan ng tiket dahil nagkaubusan.
Hindi ko alam kung ano ang motibo ng nagbabalita sa radyo na nagsasabing kakaunti raw ang mga nanood ng concert. Nagsisinungaling kasi siya kaya wala ring kredibilidad, hindi dapat paniwalaan.
Sa halip na matuwa siya dahil parehong nagtagumpay ang concert ng dalawa sa hottest stars ng GMA 7 at ang unang pagtatambal sa movie ng isa pa ring hot na hot ng network na si Richard Gutierrez na nakatambal ng isang star naman ng ABS-CBN na si KC Concepcion, na parehong proyekto ng Pilipino ay parang gusto pa niyang mag-fail ang mga nasabing proyekto. Bakit?
Nabingi nga pala ako sa concert nina Marian at Dingdong. Hindi pa kasi nagsisimula ang show, tilian na nang tilian ang mga manonood.
Pero, in fairness to Marian, magaling siyang dancer, bagay sa maganda niyang face yung pagkembot niya. Pero si Dingdong, parang kulang ang energy. Feeling ko pagod siya. Hindi pa kaya siya nakakabawi sa maraming trabaho niya?
Umiyak si Marian nang marinig ang pagbati sa kanya ng kanyang ama na nasa Spain. Limang taon na raw kasi silang ’di nagkikita. Ipinakita sa screen ang face ng dad niya at sabi ng mga manonood na guwapo raw pala ito. Pero, hinayaan nilang umiyak si Marian. Tahimik sila habang umiiyak ito. O di ba kapuri-puri sila?
Congrats sa For the First Time, tinanggap ng mga manonood ang tandem nina Richard at KC. Maganda yung performance nila sa movie, naka-arte sila.
Nanghihinayang lamang ako kay Jake Cuenca dahil hindi na-maximize ang kanyang acting. Ganun din si Eddie Gutierrez na parang napakaliit ng role. Bilang daddy ni Richard sa movie, sana binigyan sila ni Phillip (Salvador) ng kanilang moment. Pero baka naman nagmamadali ang direktor kaya hindi na niya napuna na parang napabayaan ang tunay na daddy ng kanyang bidang lalaki.
Magaling nang umarte si KC, maganda ang facial expression niya.
Ano na ba ang nangyari sa pagsasapelikula ng Eva Fonda? Totoo bang naapektuhan ito dahil pasaway ang bida? Sana naman hindi dahil malaking proyekto ito para kay Cristine Reyes.
Sa hirap ng buhay ngayon sa industriya ng pelikula, marami ang walang pelikula, pababayaan pa ba niya ito? Nasasayang ang panahon. Ano ba talaga ang priority niya, career o pag-ibig?
- Latest