Bakit wala pang victory party ang Sarah-John Lloyd movie?
Pinanood ko kahapon ang A Very Special Love sa Gateway Mall at totoo ang mga tsismis, nakakakilig ang pelikula nina Sarah Geronimo at John Lloyd Cruz.
At least, tinupad ko ang aking pangako na panonoorin ang pelikula ng Star Cinema.
Napatunayan ko na magiging big star talaga si Sarah, basta hindi niya gagayahin ang ibang artista na nagluka-lukahan nang makatikim ng konting kasikatan.
* * *
Hindi ako magugulat kung inihahanda na ang next movie project ni Sarah. Kailangang magkaroon ng follow-up ang A Very Special Love dahil humakot ito ng limpak-limpak na salapi sa box-office.
Teka, bakit wala akong nababalitaan na victory party para sa box-office success ng Sarah-John Lloyd movie. Hindi masama ang mag-share ng blessings ha?
* * *
True ang mga balita na ipinagbawal ni Dita Von Teese na kunan siya ng litrato habang nagbuburles siya sa Venetian Ball ng Belo Medical Group pero pagkatapos ng kanyang production number, nakihalubilo pala siya sa mga bisita.
Umakyat sa kanyang hotel room si Dita para magbihis pagkatapos maligo ng champagne at nang makapagbihis, saka siya bumaba sa ballroom ng hotel para makipag-tsikahan portion sa mga bisita na natulala sa kanyang magandang mukha at katawan.
Mabait at approachable daw si Dita. Hindi siya katulad ng ibang international star na may prima donna attitude. Milyun-milyong piso ang talent fee ni Dita para sa kanyang dalawang production number. Hindi na makatarungan kung nag-inarte siya ’di ba?
Ang tsismis, may mga sexy stars daw na gustong sundan ang yapak ni Dita. Type na rin nila na maging burlesque dancer, kahit sa Pilipinas lang. Na-inspire yata sila sa tagumpay ni Dita na kinikilala ngayon bilang Burlesque Queen!
* * *
Bukas ko na ikukuwento sa inyo kung para saan ang presscon ni Marvin Agustin. Inimbitahan ako sa kanyang presscon nang pumunta ako sa press launch ng Bilib Ka Ba Nights ng GMA 7.
Nanood muna ako ng A Very Special Love bago ako pumunta sa presscon ni Marvin sa Cafe Ten Titas na nasa Gateway Mall din.
Co-owner si Marvin ng Cafe Ten Titas na dinarayo ng mga kostumer. Puwede nang mag-retire sa pag-aartista si Marvin dahil malakas ang kita ng kanyang mga restaurants pero ‘yon ang malabong mangyari. Can’t afford si Marvin na mag-goodbye sa showbiz dahil mahal na mahal niya ang pag-arte.
* * *
May iba nang minamahal sina Alfred Vargas at LJ Reyes kaya imposibleng magkaroon ng part 2 ang kanilang relasyon.
Parehong hindi taga-showbiz ang mga karelasyon nina Alfred at LJ kaya hindi ko na sasabihin ang kanilang mga name. Hindi sila sanay na masangkot sa mga showbiz controversies. Baka ‘yon pa ang maging dahilan para magkaroon sila ng lovers quarrel ‘noh!
- Latest