ABS-CBN panalo sa kaso ng GMA Network
Ibinasura ng QC Regional Trial Court ang kasong Breach of Contract ng GMA Network Inc. laban kay Luchi Cruz-Valdes, Head of News Production and Current Affairs ng ABS-CBN.
Dinismis din ng korte sa nasabing desisyon ang kasong Tortious Interference ng GMA-7 laban sa ABS-CBN.
Nagsimula ang kaso noong 2001 nang mag-resign si Valdes sa GMA-7 bilang News Production Manager nito, at lumipat sa ABS-CBN para maging Vice President for News.
Hinabla ng GMA si Valdes at ang ABS-CBN dahil nilabag daw ng mga ito ang Talent Contract ni Valdes. Nakakuha pa noon ng Injunction ang GMA-7 laban kay Valdes, na nagbawal sa kanyang makapagtrabaho sa ABS-CBN ng humigit kumulang walong buwan.
Pero sa kanyang desisyon, sinabi ni Judge Tita Marilyn Villordon na maayos naman ang naging pagbitiw ni Valdes sa kanyang puwesto sa GMA, at malinaw rin daw itong tinanggap ng pamunuan ng GMA.
Iniutos din ng husgado na bayaran ng GMA si Valdes ng halagang katumbas ng dapat sana’y kinita niya nang siya’y pagbawalang magtrabaho.
- Latest