Pacman gustong magtayo ng mala-Montessori sa probinsya niya
Napakalaki ng diperensiya ng kanilang mga mukha pagkatapos ng kanilang sagupaan. Si David Diaz na may hawak ng korona ay nagmistulang magnanakaw na nasukol ng taumbayan at saka pinagtulung-tulungang bugbugin kaya nagkaburug-burog ang mukha.
Ang matagumpay namang umagaw ng korona na si Manny “Pacman” Pacquiao ay parang nagpa-facial lang, walang kasugat-sugat, para ngang walang dumapong malakas na suntok ni Diaz sa kanyang mukha.
Parang nagpa-practice lang si Manny, halos ipinagduduldulan na nga niya ang kanyang mukha kay Diaz, pero talagang maramot sa pagpapakawala ng pamatay na suntok ang Mexicano.
Naturingang may hawak ng korona sa WBC Lightweight Division, pero parang mismatch sila, pagkatapos ng kanilang laban ay umamin si Diaz na hindi nito nakayanang sabayan ang mabibilis na kamay at paa ni Pacman.
At halos lahat naman ay nagsasabi na kung ang kasalukuyang panahon ang pag-uusapan ay wala pang tatalo sa bagsik ng kamao ni Pacman, grabe ang kanyang mga suntok, tumatama yun nang sentrong-sentro sa mukha ng kanyang katunggali.
Mula sa pagkakaroon ng ubo at sipon ay nakabawi rin ng lakas si Manny nung nakaraang Linggo, kinabahan
Maagap ang mga doktor ni Manny, lahat ng pinakamabisang gamot ay ibinigay sa kanya, madisiplina naman si Pacman pagdating na sa kanyang kalusugan.
“Nung magkasipon si Manny, medyo kinabahan kami ni Coach Freddie (Roach), kalaban ng boxer ang sipon at ubo, malakas magpahina ng katawan yun, mabuti na lang at nakabawi siya agad,” kuwento sa amin ng kanyang trainer na si Buboy Fernandez.
Bukod sa madalas na pagtawag sa amin ni John-John Pamintuan na anak-anakan namin at kaibigan naman ni Pacman na dun na naninirahan sa Las Vegas ay ilang ulit din naming pinanood ang salpukan nila ni David Diaz.
Nandun pa rin ang excitement, pero ang nerbiyos ay hindi mo na mararamdaman, dahil mula sa unang round hanggang sa ikasiyam kung saan humalik sa lona si Diaz ay alam mong hawak ni Pacman ang laban.
Yun lang siguro ang tingin natin dahil masyadong liyamado si Pacman, pero ayon mismo sa Pambansang Kamao ay si Diaz na ang pinakamalakas niyang nakatunggali, natiyempuhan lang daw siguro niya ito sa pinakamahihinang parte ng katawan.
Sa Biyernes nang madaling-araw na ang balik sa Pilipinas ni Pacman, isang magarbong pagwelkam ang ihinahanda na ngayon pa lang para sa kanyang pag-uwi, muling itinatak ni Manny Pacquiao ang pangalan ng Pilipinas sa mapa ng mundo dahil sa pinakasariwa niyang karangalan.
* * *
Kakambal ng pagbubunyi ng ating mga kababayan kay Pacman ang tanong kung magkano kaya ang premyong maiuuwi niya? May nagsasabing tatlongdaang milyong piso, may nagsasabi namang limandaang milyong piso ang malinis niyang maiuuwi, kaya sobrang yaman na raw talaga ng kampeong boksingero.
Sabi nga ni Manny ay maganda lang sa dinig ang mga premyo-premyo, pero kapag kinaltas na ang buwis na babayaran niya sa Amerika at ang mga komisyon ng mga nag-aalaga sa kanyang boxing career ay hindi na ganun kalaki ang kanyang kinita, pero daang milyones pa rin naman yun.
Nung huli kaming magkakuwentuhan ni Pacman ay nabanggit niya na meron siyang interes sa pagtatayo ng eskuwelahan sa kanilang probinsiya, gusto niyang magtayo ng parang Montessori center, pinahahalagahan na niya ang edukasyon ngayon.
Tuloy pa rin ang kanyang pag-aaral, gusto niyang magkaroon ng diploma, yun din ang pangarap niya para sa kanyang tatlong anak. Kung ano nga naman ang kulang sa ating buhay ay yun ang ating pinupunuan, gustung-gusto niyang makapag-aral noon, pero dahil sa kakapusan sa buhay ay nagboksing na lang siya.
Boksing na naging hagdan niya sa matinding tagumpay.
- Latest