^

PSN Showbiz

Marian bawal nang kunan ng video

SHOWBIZ MISMO - Cristy Fermin -

Isang taong malapit kay Marian Rivera ang nakakuwentuhan namin. Nag-aalala ito sa mga pinakahuling negatibong kuwentong ikinakapit ngayon sa dalaga, inaalam na raw ng kampo ng dalaga kung sino ang nagpakalat ng mga video ni Marian na nagtataray, may duda sila na nasa paligid lang ng aktres ang gumawa nun.

Imposibleng ang lalaki ang kumuha ng video dahil nakatalikod ito, kaya ang pinagmulan ng video ay maaaring nasa harapan o sa likuran ni Marian, ayon sa porma ng pagkakabuo ng video.

Tinatarayan ni Marian sa nasabing video ang isang lalaki, kababaeng tao ni Marian na mahinhin pa namang tingnan, pero napakinggan naman natin kung ano-anong mga salita ang lumabas sa kanyang bibig sa nasabing komprontasyon.

Dun lang talo si Marian, sa imahe niya, dahil kung titingnan mo ang dalagang ito ay kiming-kimi siya na parang kahit langaw lang ay hindi niya maaatim na saktan.

Tuloy ay naglulutangan na ang maraming kuwento nung kanyang kabataan, maraming nagpaparating ng kuwento sa mga manunulat na talaga namang hindi siya mahinhin, palengkera na raw si Marian kahit noon pa.

Balita nami’y ipinagbabawal na ngayon ang pagkuha ng video sa mga lugar ng trabaho ni Marian, ke videocam pa yun o cellphone lang na may video ay bawal na, dahil dun daw nagmumula ang mga hindi kagandahang kuwentong lumulutang tungkol kay Marian ngayon.

Komento naman ng mga nakausap namin ay si Marian ang kailangang umayos ng kilos, kailangang mag-ingat ang dalaga sa kanyang mga ginagawa, dahil siya pa rin ang pinakaugat ng lahat ng mga video o kuwentong lumalabas ngayon.

Huwag sanang bigyan ni Marian Rivera ng katwiran ang ibang tao sa pagsasabing anumang pagtatakip ang gawin ng isang tao, anumang pagkukunwari ang kanyang gawin ay lulutang pa rin ang totoo sa bandang huli, dahil yun ang totoo.

* * *

Saludo kami sa katapangan ni Korina Sanchez. Nang magsabog ang langit ng katapangan at lakas ng loob ay hindi natutulog ang magaling na news anchor, gising na gising siya para sumambot ng biyaya, na nagagamit niya naman ngayon sa napili niyang karera.

Nakapagitna ngayon si Ate Koring sa isang malaking laban, nagbuo siya ng istorya tungkol sa nagkalat na whitening products sa pamilihan, nasentruhan niya ang metathione product ng Lucida-DS na ayon sa PIPAC ay fake.

Hindi siya ang nagsabing fake ang metathione product na ineendorso ni Gabby Concepcion, ang ahensiyang pinagpatestengan nila ang nagsabing iba ang nilalaman nun kesa sa sinasabing content mismo ng produkto, natural lang na umalma ang kumpanyang napitik ni Korina.

Nagpa-ads ang nasabing kumpanya, ang kinukuwestiyon ng mga ito ay kung ano ang motibo ng anchorwoman sa pagbira sa kanila, may kulay-pulitika raw kaya yun dahil ang endorser ng Lucida-DS ay si Senador Loren Legarda?

Sinabi na ni Korina na hindi kasali sa usapan si Senadora Loren, ang produkto lang ang kanyang kinukuwestiyon, pero anuman ang sabihin ni Ate Koring ay meron pa ring mga naniniwala na ang babaeng mambabatas ang pinipitik niya sa kabuuan ng labang ito.

Labas na tayo dun, kaya namang ipaglaban ng dalawang magigiting na babae ang kanilang paninindigan, ang mga binigyan namin ng bigat ay ang komento ng isang kaibigan naming propesor na nakikinig-nanonood lang sa labanan ni Korina at ng Lucida-DS.

Ang sabi ng aming kaibigan, “I hope I’m wrong. I hope ako lang ang nag-iisip ng ganito. Senator Mar Roxas is running in 2010. Posisyon na ng pagkapangulo ang ini-aim niya ngayon.

“And Korina is very much identified with him dahil nga magkarelasyon sila. Hindi kaya natatakot si Korina na sa mga ginagawa niya ngayon, maraming kababayan natin ang hindi bumoto kay Senator Mar?

“Akin lang ito, it doesn’t apply to all. It’s my personal opinion, I maybe correct, I maybe wrong. Pero natatakot ako for Senator Mar, makababawas sa popularity niya as a candidate ang mga ginagawa ngayon ni Korina.

“Gaano kalaki ang Lucida-DS, ilang workers meron ang company, ilang distributors meron ang Lucida-DS? Maraming apektado sa ginagawa ni Korina, hindi lang ang kumpanya ang kalaban niya, but also the people who eat and live everyday because of Lucida.

“Nandun na tayo, ang tama ay tama at ang mali ay mali. Pero sana, isipin din ni Korina ang mayorya, hindi lang naman ang kumpanya ang sinasaktan niya dito kundi pati ang mga manggagawang umaasa ng kanilang mga ikinabubuhay sa Lucida,” opinyon ng aming kaibigang propesor.

Nagbabasa ng pahayagang ito si Korina Sanchez, ang kanyang opinyon ang hihintayin naming marinig, rerespetuhin namin ang kung anumang reaksiyong ibibigay niya tungkol sa pananaw ng aming kaibigang propesor.

May pahabol pa nga pala ang aming kaibigan, “Korina is not a good campaign manager for Senator Mar. Sa politics, addition ang kailangan, hindi subtraction.”

KORINA

LANG

MARIAN

SENATOR MAR

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with