Angel ‘panginoon’ si Edu
Kahit nagluluksa pa si Optical Media Board (OMB) Chairman Edu Manzano sa pagyao ng kanyang inang si Mrs. Rosario Manzano, trabaho pa rin ang kanyang priority. Regular pa rin siyang nagre-report sa kanyang game show na Pilipinas Game KNB? at sa kanyang OMB office.
In fact, kahapon, kahit kalilibing lang ng ina last Wednesday ay nagpatawag na ng presscon si Edu kasama ang Movie and Television Review Classification Board (MTRCB) na si Chairman Consoliza Laguardia para ianunsyo that OMB and MTRCB have joined forces para sugpuin ang child pornography at ang flicker piracy.
Actually, hindi na sakop ng OMB ang anti-child pornography pero dahil kasama ito sa mga videos na kanilang nakukumpiska, nakita nila kung gaano na kalala ang problemang ito at bilang concerned individual citizens, kasama ang iba pang kasamahan sa ahensiya na sina Atty. Meneses, Atty. Valenzuela and Intelligence Office Von Lee Alfabeto ay nag-launch sila ng Anti-Pornography Campaign.
Kahapon sa presscon ay may ipinakitang video sa press na isa sa nakumpiska ng OMB kung saan ay ipinapakita ang tatlong batang lalaki na may edad na 7-10 engaging in an oral sex with a man.
Nakaririmarim ang eksena lalo na nga kung ikaw ay isang magulang na nagpapalaki ng anak. Isipin na lang na kung sa ating mga anak mangyari ang ganoon ay talaga namang nakakikilabot.
Ang MTRCB naman ay may kapangyarihang magsagawa ng inspection sa mga sinehan at sa iba pang public establishments na nagpapalabas ng mga pelikula or publicity material to check kung may tampering na nangyayari sa mga materyal.
Sa ganito nga namang paraan ay mas lalong lalakas ang puwersa upang masugpo ang flicker piracy sa bansa na isa sa nagpapahirap sa ating movie industry.
Sa individual interview ng press kay Edu matapos ang presscon, may lungkot pa rin sa mga mata ng OMB head kapag napag-uusapan ang kapapanaw lang na ina but at the same time ay naging daan din naman ito para magkasama-sama ang buong pamilya dahil umuwi raw ang kanyang mga kapatid na nasa ibang bansa.
Dumating din sa wake ang tatlo niyang anak sa pangunguna ng panganay na si Luis Manzano. Doon nga raw nakita ng lahat na ang aktor pala ang kamukha ng yumaong Mrs. Manzano.
“Sobra, 100 percent, kamukha ng mommy ko si Luis. Ang ganda ng mommy ko,” sabi ni Edu.
Naitanong tuloy sa kanya kung kasama ba ni Luis sa wake ang rumored girlfriend nitong si Angel Locsin at sagot ni Edu ay hindi raw.
Hindi pa naman daw nai-introduce sa kanya ni Luis si Angel bilang girlfriend pero ani Edu, na-meet na raw niya ang young actress sa mga special occasions.
Minsan daw kasi ay nagkakaroon ng get-together ang manager nilang si Junne Rufino sa lahat ng mga talents kasama na ang mag-amang Manzano at puwede raw dalhin ang kani-kaniyang partner.
“I like her (Angel). She’s very, very nice, very behaved, at nakikita ko naman iyong influence that she has on my son. He’s smiling. He’s content. Tayo naman kasi, kung saan liligaya ang mga mahal natin sa buhay, tanggapin natin,” sabi ni Edu.
Ano naman ang tawag sa kanya ni Angel?
“Ah... panginoon?” pagbibiro niya na ikinatawa ng lahat pero siyempre, that was meant as a joke. Tito Edu raw ang tawag sa kanya.
Eh kumusta naman ang love life niya?
“Well, thank you very much for respecting my privacy all through these years,” muling pagbibiro ni Edu na nakuha naman agad ng press at hindi na siya kinulit pa. — VINIA VIVAR
- Latest