Aktres ’di mahiram dahil sa atraso ng manager
Bago pa man may magreklamo, inayos agad ng GMA Films ang billing sa poster ng ITALY o I Trust And Love You. Sa mock-up poster na parang Italian flag, nahati sa tatlo ang billing ng cast at left side ang pangalan nina Mark Herras at Rhian Ramos, sa gitna ang name nina Jolina Magdangal at Dennis Trillo, at sa right side ang name nina Rufa Mae Quinto, Eugene Domingo, at iba pang kasali sa cast.
Ang feeling ng isang nakakita sa poster, may magrereklamo sa major cast (hulaan ninyo kung sino), kung gano’n ang arrangement ng mga pangalan. Nang banggitin niya kay GMA Films producer Annette Gozon-Abrogar na baka may magreklamo sa cast, ibinalita sa kaniyang binago na ang billing at sama-sama na ang name ng cast sa gitna ng poster.
Ayaw namin mag-spoiler, kaya hindi namin sasabihin ang bago at buong arrangement, ipaaalam lang namin na si Jolina ang may “and” bago ang pangalan niya.
* * *
Tumawag ang controversial manager sa isang producer at hinihiram ang female contract star ng producer para itambal sa talent niyang actor sa gagawin nitong pelikula. Hindi nag-commit ang producer, dahil kahit may exclusive contract sa kanya ang sikat na aktres, may exclusive contract din ito sa isang big network.
Kinikilala ng producer na ang network ang nagpasikat sa actress at tumulong lang siya sa pagbibigay ng mga pelikula rito. Ang management pa rin ng network ang magde-decide kung ipahihiram ang actress para gumawa ng pelikula.
Hanggang sa huli, pinipilit pa rin ng talent manager na mahiram ang actress sa producer na walang magawa, dahil kahit siya, naghihintay sa availability ng actress. Sa taping lang ng kaniyang serye, kulang na ang oras ng actress, kaya hindi masimulan ang mga pelikula niya sa producer. Saka, hindi talaga niya mahihiram ang actress sa network kung saan ito naka-kontrata, dahil may atraso ang manager sa kanila.
- Latest