‘Global idol’ na si Chiz
Bibilib ka talaga kay Sen. Chiz Escudero, sunud-sunod ang natatanggap na parangal, at take note, hindi lang dito sa atin kundi sa ibang bansa rin. Imagine, kabilang siya sa mga Young Global Leaders para sa taong 2008. Kasama ang bagets na senador sa 24 young achievers mula sa South Asia, ayon sa ipinalabas na listahan ng World Economic Forum sa Geneva, Switzerland.
Ang karangalang ito ay taunang ibinibigay ng World Economic Forum bilang pagkilala at pagtaguyod sa mga kabataang nangunguna sa kanilang napiling propesyon, pati na ang kanilang napangatawanang dedikasyon sa lipunan at pangakong maging matibay na haligi sa kinabukasan.
Patunay ito na seryoso siya bilang isa sa mga pinakabatang senador ng bansa. Pagkilala rin ang karangalang ito sa kakayahan ng kabataan na maging gabay ng napapanahong pagbabago sa mundo.
Kaya nga ngayon pa lang ay malakas na ang bulung-bulungan na siya ang mapipiling standard bearer sa presidential election na gaganapin sa 2010 na hindi naman niya dini-deny na pangarap niya noon pang bata pa lang siya.
“Hindi masama ang magkaroon ng ganitong pangarap,” sagot ni Sen. Chiz sa interview ng Playboy Philippines kamakailan. Siya ang bukod tanging napiling male interviewee sa maiden issue ng Philippine edition ng sikat na international magazine. “At kung pangarap ang pag-uusapan, dapat pangarapin na marating ang pinakamataas, dahil nga pangarap ito. Ang katotohanan ay ibang usapan.”
Sa ngayon, hindi pangarap ang sunud-sunod na pagkilalang tinatanggap ni Escudero sa kanyang unang taon sa Senado, matapos ang siyam na taon bilang kinatawan ng Sorsogon sa Lower House ng Congress. Nauna na ang mapabilang siya sa mga Asian Idols kamakailan lang, na sinundan nitong parangal na “global idol” ng World Economic Forum.
- Latest