Cesar Bee-birit na!
BEE-birit na ang buong sambayanan simula Lunes (April 21) kasama si Cesar Montano sa pagsisimula ng The Singing Bee, ang pinakabagong singing game show sa primetime kung saan hindi kinakailangang nasa tono ang contestants, basta tama lang ang lyrics.
“Lahat ng tao, marunong man kumanta o hindi, ay puwedeng makisaya gabi-gabi sa amin dito. Aabangan talaga ng buong sambayanan ang The Singing Bee lalo pa’t mahihilig tayong mga Pinoy na kumanta,” pahayag ni Cesar.
Si Cesar ang napili ng ABS-CBN na pangunahan ang panibago at kakaibang game show na ito kung saan pagsasamahin ang spelling bee style competition at videoke singing.
“Nakakatuwa talagang makita yung other side ni Cesar na hindi pa masyadong nakikita ng publiko. Kaya naman dapat talaga nila itong abangan,” sabi ni executive producer Carla Burwell.
Mas kilala si Cesar bilang isang batikang aktor at multi-awarded director, minsan na ring nalinya sa larangan ng musika si Cesar. Una niyang nadiskubre ang hilig sa musika nang matuto siyang tumugtog ng gitara.
“Mahilig talaga ako tumugtog ng gitara. Bata pa lang ako nung binilhan ako ng nanay ko pero binata na ako nang natuto kasi lahat ng kaibigan ko tumutugtog,” paliwanag ni Cesar.
Taong 2000 nang ni-release niya ang kanyang first recording album under Star Records na pinamagatang Subok Lang. Naglalaman ito ng sampung kanta na karamiha’y acoustic ballads.
Dahil sa ’di maitatwang hilig sa musika kung kaya naman hindi na nagdalawang isip pa si Buboy na tanggapin ang pagiging host ng The Singing Bee kung saan magiging counterpart niya sa America ang dating N’Sync member na si Joey Fatone.
Sa rehearsals pa lang ay halatang enjoy na enjoy na si Cesar at maging studio audience ay ’di napigilang tumayo at sumabay sa kakaibang energy na madarama sa show.
Isang franchise mula sa Zeal Entertainment, ang The Singing Bee ay masaya at exciting na pampamilyang game show kung saan kinakailangan lamang hulaan ng mga kalahok ang tamang lyrics ng mga kanta.
Isang live band na kung tawagin ay Bandble Bee, sa pamumuno ni Musical director Mel Villena, ang mismong tutugtog sa bawat awitin kasabay na ng pag-indak ng seksing dancers na Honeybees.
Tatlong rounds ang dapat muna pagdaanan ng mga players bago ito makarating sa jackpot round— ang To Bee Continued (round 1), JumbleBee (round 2), at Showdown (round 3).
“Very challenging talaga yung game kaya sa mga sasali, halungkatin na ang mga songbook o magresearch sa internet at kabisaduhin na ang lyrics ng mga kantang gusto at di nila gusto,” payo ni Cesar.
Huwag palalampasin ang kapanapanabik at star-studded na pilot week dahil makikiBEE-rit na sina Derek Ramsay, Jodi Sta. Maria, Bayani Agbayani, Mickey Ferriols, Keana Reeves, Valerie Concepcion, Heart Evangelista, JayR Siaboc, Tado, Jamie Joaquin, Brod Pete at Pooh.
Makikanta na gabi-gabi sa pinakabagong kantahan show pagkatapos ng Kung Fu Kids.
- Latest