Hiling ng Pinoy na magsasaka tinanggihan ni Angelina Jolie
Tinanggihan ng Hollywood actress na si Angelina Jolie ang imbitasyon sa kanya ng militanteng grupong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas na bumisita rito sa Pilipinas para makita niya ang mga internal refugees sa bansa na bunga ng operasyon ng Armed Forces of the Philippines laban sa mga rebelde.
Ayon kay Carl Ala, information officer ng KMP, nakatanggap sila ng e-mail mula sa isang agent ni Jolie na si Geyer Kosinski na nagsasaad na “Salamat po na naisip ninyo si Angelina Jolie para rito. Pero sa kasamaang palad, hindi siya puwede sa panahong ito.”
Sinabi ng KMP na ang mensahe ay ipinadala sa kanila ni Rev. Larry Emery ng Community Presbyterian Church ng Walnut Grove, California na tumulong sa kanilang grupo na maiparating sa aktres ang kanilang kahilingan.
“Hindi lang puwede si Ms. Jolie na pumunta rito sa Pilipinas sa Pebrero. Pero may pupunta mula sa World Council of Churches sa susunod na buwan,” paliwanag ni Ala.
“Gayunman, sisikapin naming magtakda ng ibang iskedyul para libreng makapunta rito si Ms. Jolie,” dagdag niya.
Mula noong Agosto 2001, naitalagang Goodwill Ambassador ng United Nations High Commission on Human Rights si Jolie na isang Oscar award winning actress at lumabas sa mga sikat na pelikulang tulad ng Girl Interrupted at Tomb Raider.
Nauna rito, umapela ang KMP kay UNHCHR Commissioner Antonio Gutierrez na ipadala si Jolie sa Pilipinas para masaksihan nito ang problema ng mga internally displaced persons o yaong kaso ng libu-libong mamamayan na napilitang lumikas sa kanilang pamayanan dahil sa bakbakan ng militar at ng mga rebelde. — Katherine G. Adraneda
- Latest