Umeeksena nga ba si Sen. Bong Revilla?
Nagkausap kami ni Mayor Joey Marquez nung isang araw, ayon sa aktor-pulitiko ay hindi rin pala siya nakadalo sa kasal ni Vandolph Quizon na itinuring na niyang parang tunay na anak, dahil nung maging magkarelasyon sila ni Alma Moreno ay batambata pa ito.
“Alam nila na hindi ako makararating, may taping ako that day, sinabi ko na agad sa kanila na hindi ako makakadalo bilang ninong dahil sa mas naunang schedule ng trabaho ko,” sabi sa amin ni Mayor Joey.
Maraming ninang at ninong na kinuha nina Vandolph at Jenny Salimao mula sa ABS-CBN ang hindi rin dumating, may kani-kanyang dahilan ang mga ito, kasama na dun ang biglaan nilang pagpapalit ng simbahan na hindi naman nila naabisuhan nang mas maaga ang kanilang mga sponsors at bisita.
Matagumpay na tatay kung tawagin namin ngayon si Mayor Joey dahil tatlong anak niyang kumandidato nung nakaraang barangay elections ang nanalo. Hindi ang pananalo nina Jeremy Marquez, Paolo at WinWin ang mas nakikita namin sa tagumpay na yun, kundi ang pagmamahal ng mga taga-Parañaque kay Mayor Joey, kung hindi na siya mahal ng kanyang mga kababayan ay siguradong silat ang kanyang mga anak nung nakaraang halalan.
Mabango pa rin ang pangalan ni Mayor Joey sa Parañaque sa kabila ng pagpapabantot ng iba sa kanyang imahe, takot na takot kasi ang mga ito, dahil kapag ginusto ng aktor-pulitiko ay puwede siyang bumalik sa mundo ng pulitika sa 2010.
Ngayon pa lang ay natatakot na sa kanya ang mga naghaharing pulitiko sa nasabing lunsod, matindi kasing kalaban si Mayor Joey, kahit ano pang paninira ang palutangin nila sa araw-araw.
* * *
Kumukulo ang tubig sa pagitan ngayon nina Senador Bong Revilla at Chairman Edu Manzano, nagkakapalitan sila ngayon nang maaanghang na salita laban sa isa’t isa, pati ang kanilang trabaho bilang tagasugpo ng mga pirata ay nasasaktan na.
“I’m not satisfied with his performance, for me, it’s below average. Masakit mang pakinggan pero talagang I’m not happy with his performance,” madiing bitiw ni Senador Bong tungkol kay Chairman Manzano.
Ang sagot naman ng nasaktang tagapamuno ng OMB, “Ano rin ba naman ang nagawa niya sa Senado?”
Nag-ugat ang kanilang hidwaan sa isang raid na dapat ay magkasama nilang pinuntahan, pero ayon kay Senador Bong ay hindi sumipot si Edu, pero iba naman ang pahayag ng aktor nung mainterbyu siya sa DZMM.
Ang sabi ni Chairman Manzano, “Sa Night Ruins sa BF Homes dapat ang gagawin naming raid, pero bigla siyang nagbago ng isip, biglang Quiapo na ang gusto niyang sugurin namin.
“I cannot allow that, kakaunti lang ang tauhan ko sa OMB, ayokong ilagay sa hindi maganda ang buhay ng mga tauhan ko. Wala kaming search warrant, kulang kami sa pondo, kulang kami sa tao.
“Nung maganap naman ang kasunod na raid sa Makati Cinema Square, wala siya dun, late siyang dumating, pero ipinababa niya ang mga nakumpiskang fake DVD’s at nagpa-picture taking siya.
“Lumalabas na photo opp (opportunity) lang ang lahat, we don’t need that, nagtatrabaho kami hindi para sa publisidad kundi para matigil na ang pirata na malaking kalugihan ang ibinibigay sa ating mga movie and record producers,” sabi ni Chairman Manzano.
Ayon naman kay Senador Bong Revilla nung mainterbyu rin ng DZMM pagkatapos ni Chairman Manzano, “Puro kasinungalingan ang mga sinasabi niya, hindi ako nagpa-picture taking dun, hindi ko kailangang mapag-usapan ako dahil halos araw-araw naman, nasa gitna ako ng balita.
“Yung sinasabi niyang kulang sila sa tao, hindi pa ba sapat ang limampung sundalo? Ano ba ang gusto niya, isang batalyon? Ano yun, war zone? Armado ang mga kasama namin, mahahaba ang armas nila, pero nagtataka ako kung bakit ayaw niyang pasukin ang Quiapo, meron ba siyang pinoproteksiyunan dun?” mas madiing pahayag ng senador.
Kuwestiyonable para sa mas nakararami kung bakit “umeeksena” pa ngayon sa mga operasyon ng OMB ang senador, samantalang ang tagapamuno na ng opisina ay si Chairman Edu Manzano, nagpapabango raw ba ng pangalan ang aktor-pulitiko?
Siguradong habang nag-aaway ngayon ang dalawang aktor ay nagpipista naman ang mga piratang tunay nilang kalaban.
- Latest