Kapatid na babae naman ni PBB Jun Hirano ang susubok sa local showbiz
Nakausap ko ang mag-inang Eri at Delia Hirano, bago sila bumalik sa Japan noong Biyernes. Si Eri ay kapatid ng dating Pinoy Big Brother housemate na si Jun Hirano, isang Filipino-Japanese na lumabas sa bahay ni Kuya para matapos niya ang high school sa Kyoto, Japan.
Ilang beses kong nakausap si Jun noong nandito pa siya sa bansa. Nasabi niyang talagang gusto niyang makatapos ng pag-aaral kaya kailangang bumalik siya sa Japan.
Naibalita naman ng kanyang inang si Delia, na isang Pinay pero mestisahin ang ganda, na naka-graduate nga ng high school si Jun.
“Maswerte ako sa mga anak dahil mababait silang lahat at masisipag,” pagmamalaki ni Delia. “Pagka-graduate ni Jun ng high school, agad nga siyang pumasok sa isang restaurant upang magtrabaho.”
Nabanggit din ni Jun sa akin noon na magtatrabaho siya sa isang restaurant. Pangarap niya ang maging Japanese chef.
Sa salaysay ni Delia, unang na-assign si Jun sa kusina, bilang assistant cook. Nakita ng may-ari na mahusay ang PR ng teenager, kaya’t inilabas muna siya upang maging isa sa mga waiters.
Bumalik ng Pilipinas si Delia, kasama ang anak na babaeng si Eri, na ang ambisyon ay maging isang sikat na singer sa bayan ng kanyang ina.
Sa Japan nagtapos ng junior high school si Eri at sa Saipan naman siya nag-aral ng senior high.
Nag-aral si Eri ng voice lesson sa Anne Kyoto Music School ng dalawang taon, kung saan nagkaroon siya ng rigid training sa pagkanta at voice development.
Kapag hindi siya gaanong abala, nagtatangka si Eri na magsulat ng sarili niyang kanta. Ang tema ng kanyang mga komposisyon, ang mga buhay-buhay ng mga kapwa niya teenagers.
Habang nasa Maynila, nagkaroon ng oras na mag-record ng mga demo-disc si Eri. Narinig ko ang rendition niya ng “Through The Fire,” “If I Ain’t Got You” at “Hero”.
Ang timbre ng boses ni Eri, tunay na mataginting. Ang maganda sa pag-awit niya, meron siyang sariling istilo. Mataas naman ang kanyang vocal range na pwedeng bagayan kahit anong kanta, pop, jazz, rock o ballad.
Aminado naman si Eri na marami pa siyang dapat matutunan bilang isang entertainer. Sa kanilang pamilya, siya talaga ang mahilig sa showbiz. Ang kanyang kapatid na si Jun, napilitan lang na pumasok sa PBB, kaya umalis naman agad.
Todo suporta naman ang buong pamilya ni Eri sa kanyang hilig at ambisyon. Nakahanda siyang manirahan sa Maynila kung sakaling magkakaro’n siya ng break sa ating bansa.
* * *
Marami ng nasasabik na mapanood muli ang Parokya ni Edgar. Nasa USA pa kasi sila para sa coast-to-coast concert tour.
Pagdating ng banda, tatapusin na nila ang “Solid” album na may nakahanda ng carrier single, “Macho Ka”.
Tiyak na isa na namang multi-platinum album ito mula sa Parokya.
- Latest