Sa’n galing ang yaman ni Ara?
Tumututol ang aming utak sa paniniwala nang makarating sa amin ang isang kwentong nag-uugnay sa isang magaling na aktres at sa kanyang asawa na kilala rin sa larangang ginagalawan nito.
Hirap na hirap daw kasi sa pananalapi ngayon ang aktres dahil namumulsikot (read: hindi nagbibigay, maramot) ang kanyang asawang napakayaman pa naman kung tutuusin.
Gusto raw mag-abot kahit paano ng aktres sa kanyang mga magulang, pero hindi niya yun magawa, dahil wala siyang pagku kunan. Walang gaanong proyekto ngayon ang aktres, mula nung mag-asawa siya ay namimili na ng papel ang kanyang estado, kaya wala rin siyang sariling perang maaring mahugot kapag may gusto siyang bigyan.
Naiintindihan naman ng pamilya ng aktres ang kanyang kalagayan, matagal na palang alam ng mga ito na namumulsikot ang lalaki, kaya lang ay palagi itong pinagtatakpan ng babae.
Milyonaryo ang lalaki, napakalawak ng mga ari-arian ng pamilya nito sa isang malayong probinsiya, pero ng maghulog daw ng kakuriputan ang langit ay gising na gising ang lalaki kaya nasambot nito pati ang karamutang dapat mapunta sa ibang tao.
Sabi ng aming impormante, “Dati, kapag may bagong labas na branded bags, meron agad siya. Pero ngayon, ilang brands na ang naglalabasan, lumulunok na lang ang aktres dahil wala siyang pambili,” sabi nito.
Parang ayaw naming paniwalaan ang kwento dahil ayon sa aktres ay hindi naman kuripot ang kanyang mister kundi marunong lang itong humawak at magpahalaga sa pera. Sabi pa rin ng aming source, “Look at her sister, nagagawa niya ang gusto niya, nabibili niya ang bawat magustuhan niya, dahil meron siyang sariling pera!”
* * *
Isang kaibigan ni Many Pacquiao ang tumawag sa amin para magpaliwanag tungkol sa isyung kumakalat na siya ang nagregalo ng bagong sasakyan kay Ara Mina at si Pacman din ang itinuturong kaban ng yaman na pinagkukunan ng pera ng aktres sa pagpapagawa nito ng bahay.
Ayon sa aming kausap ay labas si Manny sa kung anumang ipinagagawang bahay ngayon ng aktres, totoong bilang magkapareha sa pelikula ay niregaluhan daw ito ni Pacman ng ilang kagamitan, pero hindi naman yun sasakyan at lalong hindi bahay.
“Nakakahiya kay Ara, baka isipin pa niya na sa kampo ni Manny nanggagaling ang mga ganung kwento,” sabi ng kaibigan ng boksingero.
Sumang-ayon kami sa sinabi nito, hindi naman talaga parehas na sabihing kay Manny galing ang bahay na ipinatatayo ngayon ni Ara, yung sasakyang sinasabing regalo ng People’s Champion sa aktres ay matagal na nitong pag-aari.
Nagtataka kasi ang marami kung saan nanggagaling ang pera ni Ara, hindi raw naman kumikita ang negosyo nitong restaurant at wala naman itong mga proyekto ngayon, kaya saan kaya nanggagaling ang pera ni Ara?
Sa tagal na ng panahong nag-aartista si Ara ay imposible naman wala itong naipon, oo nga’t mahilig din sa kung ano ang uso ang dalaga, kahit paano naman siguro’y nakapagtabi ito mula sa kanyang kinikita
Unfair namang ituro si Manny sa pinagkunan nito ng perang ipinagpapagawa ng kanyang bahay, sa pagkakaalam namin ay maraming property ang ibinenta ni Ara, yun ang ipinang-iikot nito ngayon sa kanyang mga gastusin.
* * *
Isang source naman ang nagbulong sa amin na hindi dapat si Manny Pacquiao ang iturong dahilan ng yaman ni Ara, isang malaking tao raw ang pinagmumulan nun, kilalang-kilala na sa lipunan ang nasabing personalidad ay literal pa itong malaki.
Ganun? Kaya ba madalas na merong mga nagmimiting na kilalang tao sa kanyang restaurant sa Tomas Morato, ibig bang sabihi’y dun nagkikita palagi si Ara at ang taong tinutukoy ng mga may alam sa kwento, ganun nga ba yun?
- Latest