Tanggapin kaya ni Aiko ang nagsisising asawa?
Yung bar owner na kontrobersyal ngayon dahil unti-unti nang lumalabas ang mga milagrong ginagawa niya ay may malaking pananagutan din sa kanyang mga kasosyo.
Hindi lang ang pakikipagrelasyon niya sa mga nagguguwapuhang young actors ang paksang pinag-uusapan tungkol sa kanya, kundi pati na ang malaking halagang nadiskubre ng kanyang mga kasosyo na nawawala, milyun-milyon ang sangkot sa istoryang ito.
Nung marinig namin ang kwento ay nagulat kami, tahimik kasi at marunong makisama ang taong yun, pero sabi nga ng mga kampong naisahan niya ay hindi naman sa pagiging tahimik ng tao nasusukat ang kanyang katapatan.
Takot na takot ngayon ang taong yun sa isang personalidad na nakasosyo nila sa isang sangay ng bar, gustung-gusto siyang makausap nito, pero pinagtataguan niya ang pamosong personalidad.
Ang milagrong yun ang itinuturong dahilan ng marami kung bakit “nagbuhay-reyna” ngayon ang bar owner, kung ano ang gusto niya ay madali niyang nakukuha, kasama na run ang mga gwapong bagets na nagpapaligaya sa kanya.
Apat na young actors ang bidang-bida ngayon sa mga kwento, sa magkakaibang panahon nakarelasyon ng bar owner ang mga ito, panggaso lina lang daw ang dala ng mga batang aktor na nagpupunta sa kanya pero kapag umalis na ang mga ito sa kanyang opisina ay pwedeng-pwede nang mag-shopping.
Nakakapanghinayang ang mahabang panahong pinagsamahan nila ng kanyang mga ka sosyo, hindi na kasi sila basta magkakanegosyo lang, may matinding pundasyon na ang kanilang pagkakaibigan.
Pero dahil sa usapin ng pananalapi ay nagkalamat ang kanilang samahan, hindi na pinahahawak ng pera sa alinmang branch ng bar ngayon ang taong ito, nagsanla kuno siya ng bahay at sasakyan para lang mabayaran ang milyun-milyong nawala sa kanilang pinagsosyohang negosyo.
* * *
Isang mensahe ang tinanggap ni Konsehal Aiko Melendez mula sa isang taong pareho nilang kaibigan ni Martin Jickain. Ang mensahe ay tumutukoy sa kagustuhan nang makipagkasundo sa kanya ng ama ng kanyang anak.
Ang unang tanong ng aktres-pulitiko, gaano kasinsero ang sinasabi ni Martin, natural lang na mag-isip nang makalawa ang aktres dahil sa dami na ng mga naglalabasang isyu tungkol sa kanilang paghihiwalay.
Sinsero raw si Martin, sabi ng kanilang common friend, handa raw makipagkita sa kanya si Martin para sa sinserong panghihingi nito ng tawad sa kanya.
Ang naisip uli ni Aiko, kung totoong nagsisisi na ang kanyang asawa sa nangyari, bakit meron nagpapakilalang otorisadong spokesperson ng modelo na pinalalabas siyang sinungaling?
Ayon sa kausap ni Aiko ay wala raw alam dun si Martin, ang mahalaga ay gusto na raw nitong makipagbalikan kay Aiko, dahil miss na miss na raw ni Martin ang kanilang anak na si Marthena.
Kung si Marthena lang pala naman ang nami-miss ni Martin, kapag nagharap sila sa husgado sa October 12 para sa unang pagdinig sa kasong Permanent Protection Order (PPO, may hawak nang TPO ngayon si Aiko) na isinumite ng aktres ay pwede itong mabigyan ng pagkakataong makita ang kanilang anak, kaya bakit kailangang mauna ang pagbabalikan kesa sa pagdinig ng kaso?
Yun din siguro ang naisip ni Konsehal Aiko, kaya ang sabi niya sa kanilang common friend ni Martin ay hindi niya tinatanggap ang sinasabi ng kanyang asawa, napakarami pa nilang kailangang ayusing problema bago yun mauwi sa pagkakasundo.
Pero bilang ina at babae ay balot ng kalungkutan ngayon si Aiko sa mga nangyayari sa kanyang personal na buhay, lagi siyang nangangarap na magkaroon ng isang relasyong maayos, pero mukhang ipinagdadamot pa yun sa kanya ngayon.
Sa kabila ng mga kaganapan ay tuloy pa rin ang kanyang buhay bilang isang public servant, wala nga namang pakialam ang kanyang mga nasasakupan sa mga personal niyang problema ngayon at nauunawaan yun ng isandaang porsiyento ng aktres-pulitiko.
- Latest