Ang bagong baby ni Ipe
Nagmistulang kasama ng mga entertainment writers na dumayo sa Davao City last weekend para sa Kapuso Day sa 2007 Kadayawan Festival si Phillip Salvador dahil mas marami pa siyang ibinalita sa mga ito nang magkita sila sa lunch sa isang seafood restaurant doon.
Nagkagulatan nga sila nang paglabas ni Ipe sa elevator ng Marco Polo Hotel, nasa lobby naman ang mga entertainment press. Biniro si Ipe na akala nila ay may madi-discover silang ibang kasama nito, hindi raw, guest daw lamang siya ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Ikinagulat ng mga press, nang ipakita ni Ipe sa dalawa niyang cellphone ang MMS pic ng anak daw niyang si Pics (Phillip Israel Christian Salvador) na nag-one year old na last Tuesday, August 21, kasabay din ng kanyang birthday.
Hindi kasi nabalitang naging preggy ang wife niyang si Emma. But in fairness, ayaw lamang i-send ni Ipe ang picture ni Pics para ma-publish, kamukhang-kamukha ni Papang (Lou Salvador Sr.), his dad, ang bata.
Naghihintay na raw lamang siya ng tawag para sa pagsisimula ng taping nila ng book 2 ng Maging Sino Ka Man sa October.
* * *
Kuwento ni Krystal Reyes na hindi na ang tunay niyang pangalan na Jolina ang tawag ng mga classmates niya sa school nila sa Grace Christian Academy sa San Jose del Monte, Bulacan, kundi ‘Anghelita’ na, ang character na ginagampanan niya sa Mga Mata ni Anghelita ng GMA-7.
Wala naman palang problema kay Krystal iyong mga eksenang pinahihirapan siya, tulad ngayon na pumasok na ang character ni Madam (Arnel Ignacio) na humanga sa husay niya sa pagganap, dahil alalay daw lamang naman ang kunwari’y pinahihirapan siya.
Napapanood na rin sa teledrama ang bagong tagapagtanggol ni Anghelita, si Ian Veneracion as Tiklawin (tikbalang) at ng StarStruck 4 Ultimate Sweetheart na si Jewel Mische at runner-up Prince Estefan.
Tagapagtanggol din kaya sila ni Anghelita tulad ni Gabriel (Marvin Agustin), matapos na maging aswang ang isa pa niyang tagapagtanggol na si Abel (Mark Herras)?
- Latest