Pagkatapos sa singer, aktor-pulitiko naman ang kinabitan ng sexy actress
May mga kababayan tayong nagtatrabaho bilang chambermaids sa maraming hotel sa Amerika. Kalat-kalat ang kanilang destinasyon, merong nasa Los Angeles, merong nasa Las Vegas at marami ring nasa San Francisco.
Kailan lang ay tinawagan kami ng isang kababayan nating matagal nang naninirahan sa San Francisco (San Jose), tinanong kami nito kung totoo bang hiwalay na ang isang sexy star at ang kanyang karelasyong singer, kinumpirma naming matagal nang hiwalay ang dalawa.
Nakahinga nang maluwag ang ating kababayan, tapos na raw pala ang relasyon ng sexy star at ng singer, kaya wala nang problema yun sa lalaki.
Pero meron pa ring problema dahil ang madalas makitang kasama dun ng sexy star ay isang kilalang pangalan na meron nang sabit, pamilyado na ang aktor-pulitikong nakikitang kasama ng sexy star sa mga hotel dun.
“Paano na yun, di ba, married na si —(pangalan ng aktor-pulitiko)? Pero bakit sila ang madalas makita dito, sinabi rin ng isang friend kong nagtatrabaho bilang chambermaid sa isang hotel na nag-check-in silang magkasama.
“Hindi sila kumuha ng two rooms, isang room lang ang kinuha nila, magkasama sila dun nang two days. Nagbasa lang kaya sila ng komiks habang nandun sila?” malisyoso pang tanong ng aming source.
Dati nang napapabalitang may relasyon ang sexy star at ang aktor-pulitiko, pero matagal na yun, hindi naman namin alam na nagkaroon pala ng pangalawang yugto ang kanilang pagmamahalan.
Balita pa namang masyadong selosa at insecure ang misis ng aktor-pulitiko, ang singer namang naging boyfriend ng sexy star ay mukhang napapalapit na ang kalooban ngayon sa isang personalidad na produkto ng isang reality show, siguro dahilan kung bakit kapag tinatanong ngayon ang singer ay sinasabi nito na malabo nang magkabalikan pa sila ng sexy star.
* * *
Hindi pa namin kumpirmado pero kung ang mga impormasyong nakararating sa amin ang paniniwalaan ay si Piolo Pascual ang unang makakatambal ni Angel Locsin sa unang pelikula ring gagawin niya para sa Star Cinema.
Pati sa unang seryeng pagbibidahan niya sa ABS-CBN ay si Piolo rin ang matunog na pinag-uusapang makakatambal ni Angel, isang magandang love story na ang binabalangkas ngayon ng mga writers ng istasyon para kina Piolo at Angel.
Nakabuslo na ang pagpirma ng kontrata ngayon ni Angel sa ABS-CBN, pagdating na pagdating niya ay yun ang kanyang uunahin, wala nang kuwestiyon ang magkabilang panig sa kontratang pipirmahan ng batang aktres.
Malinaw na nakasaad dun na bibigyan nang sapat na panahon ng pahinga ng Dos si Angel, hindi man direktang sinasabi sa kontrata ang salitang pahinga, may mga paraan para mailahad yun nang patagilid.
Kunsabagay marespeto naman ang Dos sa kanilang mga artista, nandun ang kanilang malasakit, ipinatutupad nila nang mahigpit ang cut-off sa taping nila.
- Latest