Isang Pinoy lamang ang kasama ni Angel na nag-aaral ng fashion design sa London
Patindi na nang patindi ang mga isyung ibinabato ngayon laban kay Angel Locsin. Kung iisipin natin nang malaliman ay ano ba ang ginagawa ng dalagang ito para siya pagdusahin nang ganito katindi, isa lang ang maiisip natin, ang paglipat niya ng ibang bakuran.
Kortesiya ang hinahanap ng GMA-7, sila raw ang pinakahuling nakaalam na nakikipagnegosasyon na pala sa ABS-CBN ang kampo ng batang aktres, ayon naman sa manager ni Angel na si Becky Aguila ay ang Siete ang unang-unang nakaalam ng desisyon nilang hindi na pagpirma uli ng kontrata sa naturang istasyon at bukas ang kanilang pintuan sa posibilidad ng paglipat sa Dos.
Magpapaikot-ikot lang ang argumentong ito, pero wala namang kauuwian, dahil ang katotohanan ay lantad na. Tapos na ang kontrata ni Angel Locsin sa Siete nung nakaraang Marso pa.
Ang isang kontrata ay hindi matatawag na kontrata kung ayaw na ng isang panig, mananatili lang ang kontrata kung gusto pa ng magkabilang kampo, tulad din yun ng dokumento ng kasal na kapag hindi na nagkakasundo ang mag-asawa ay pinawawalang-bisa na.
Nalulungkot lang kami kung bakit lahat ng kontrobersya at isyung dapat ipukol laban kay Angel ay ngayon lang naglalabasan, sana’y nun pa, para naman kapani-paniwala ang mga kwento.
Pati ba naman ang katawang-lupa ni Miko Sotto na matagal nang bumalik sa pagiging alabok ay kakaladkarin pa sa pagbira kay Angel, huwag na tayong mahiya sa dalaga, pero sana nama’y patahimikin na natin ang kaluluwa ni Miko Sotto.
Dati’y kulang na lang na hosanahin pa at lagyan ng bilog sa ulo si Angel para magmistula siyang anghel, pero ngayo’y kabaligtaran na ang nangyayari, sungay na at hindi halo ang ipinasusunong sa kanya.
At isa lang ang nagawa niyang pagkakamali, ang magdesisyong lumipat na sa ABS-CBN mula sa GMA-7 bilang bahagi ng kanyang karapatan bilang tao, yun lang ang nagawa niyang kasalanan.
* * *
May mensahe si Becky Aguila, manager ni Angel Locsin, kay Manay Lolit Solis. Nakarating na sa manager ng dalaga ang sinabi ng aming kapwa kolumnista at manager-TV host na hindi ingrata ang dapat itawag kay Angel, kundi traydor, dahil nung magpaalam daw pala siya sa GMA ay meron na silang pinaplantsang transaksyon sa ABS-CBN.
Paki ni Becky, “Message to Nay Lolit: Please don’t pass judgment on a person until you hear their side of the story. Remember that there’s always the other side of the coin.
“I really want to have a private talk with Nay Lolit as manager. I’m not good in exposing myself in the public eye. I’m a very private person, mag-usap na lang kami.
“I want to hear it straight from her and she has to hear my side before she passes judgment on us. Ethics, respect and courtesy are important for any relationship to work, Thanks.”
* * *
Isang mag-asawang sampal para sa mga nang-iintrigang wala naman sa London si Angel Locsin kundi nagtatago lang sa Amerika ang ipinalabas na panayam sa The Buzz nung Linggo sa pamamagitan ng ABS-CBN Europe news correspondent na si Gene Alcantara.
Mula sa Henry Vill Hotel sa Queensway, West London ay lumipat si Angel sa Assumption Convent sa Royal Borough of Kensington and Chelsea, kinunan din ng ABS-CBN-Europe si Angel sa kanyang pinapasukang iskwelahan sa Oxford Circus, Central London.
Dalawang Pilipino lang silang nag-aaral sa London College of Fashion, aminado si Angel na mahirap makipagsaba yan sa bilis ng buhay ng mga tao sa Europa, pero kailangan niyang makipagsabayan at kumilos na rin nang mabilis na isang culture shock para sa kanya.
Nasa ikalawang linggo na ng kanyang pag-aaral ngayon si Angel, kapos siya sa tulog ngayon, dahil ayon sa dalaga ay kailangan niyang gumawa nang gumawa ng mga designs para sa kinukuha niyang kursong fashion design.
Napakagandang tignan ni Angel Locsin habang mabilis na naglalakad sa mga kalye ng London na nakasuot ng trench coat at boots, naaalala namin ang pelikulang Notting Hill para siyang si Julia Roberts sa kanyang porma at ayos.
- Latest