Ruffa, gustong pabalikin sa Turkey ni Yilmaz
Natensiyon na naman daw si Ruffa Gutierrez nang mapanood ang interview sa kanyang asawang si Yilmaz Bektaz, kung saan sinasabi noon na posible siyang makulong nang hanggang labindalawang taon dahil sa pagkuha ng mga dokumento habang siya ay nasa Turkey nang hindi inaaming kasal siya sa isang Richard Daloia. Perjury ang tawag sa kasalanang iyon, na sinasabi niyang isang mabigat na kaso sa Turkey.
Iginigiit din ni Yilmaz na kailangang magbalik sa Turkey si Ruffa para panagutan ang mga kasong isasampa sa kanya ng Turkish government.
Mukhang malabo yata yan. Noong kumuha ng drivers’ license, marriage license at kung anu-ano pang dokumento si Ruffa sa Turkey, mayroong presumption na kasal siya kay Yilmaz Bektas, at naroroon din ang presumption na balewala na ang kasal nila ni Daloia.
Ibig sabihin, hindi sinadya ni Ruffa na dayain ang Turkish government, at hindi naman niya ginamit sa anumang krimen ang mga dokumentong yon.
Ikalawa, ano nga ba ang pinakamabigat na parusang maaaring ipataw ng isang bansa sa isang taong hindi naman nila citizen kagaya ni Ruffa kung di ang deportation? Eh ano pa ang pag-uusapan eh wala na naman sa Turkey si Ruffa, narito na siya sa Pilipinas?
Huwag ninyong sabihing pababalikin pa siya roon para lamang isauli sa Pilipinas. Isa pa, hindi iyan isang crime against the state, kaya ni hindi mapapabalik si Ruffa sa Turkey kung ayaw niya, at saka isa pa, wala naman yata tayong extradition treaty sa Turkey eh, wala nga tayong embassy doon.
Maaamoy mong ang gustong mangyari ni Yilmaz ay mapabalik sa Turkey si Ruffa, pero ang tanong, babalik pa ba naman siya roon? Sinabi na ni Yilmaz na dadalhin siya sa basurahan, bakit pa siya babalik roon?
* * *
Mukhang mali yata sa aming palagay ang sabihing tapos na ang Nida Blanca murder case ngayong patay na ang kanilang primary suspect na si Rod Strunk. Kung kami ang tatanungin, kailangang ipagpatuloy ang paglilitis para maging maliwanag na ang lahat.
Kailangang lumabas pa rin ang katotohanan kung si Strunk nga ang mastermind ng pagpaslang kay Nida, kung hindi mawawala rin ang kaso ni Phillip Medel na naiugnay lang sa kaso dahil kay Strunk.
Kung wala namang kasalanan si Strunk, dapat na lumabas din iyon dahil mali naman yatang bansagan siyang killer ng kanyang asawa kahit na patay na siya, lalo na’t hindi naman mapapatunayan.
Kung hindi nila itutuloy ang kaso, double murder na ang ginawa nila kay Nida.
* * *
Nagkaroon pala talaga ng boyfriend noon sa Baguio ang isang bading na male starlet. Sabi ng aming source, pogi raw ang boyfriend, pero suspetsa nila parang bading din naman kaya nga nakipag-relasyon sa poging male starlet na bading din.
Sa ngayon daw wala namang ibang pinatulan ang dating boyfriend ng male starlet, at ang tsismis, may contact pa rin silang dalawa. Basta raw napupunta ang lalaki sa Maynila, nakikipagkita pa rin siya sa male starlet, kaya naniniwala silang may relasyon pa rin ang dalawa kahit na papaano.
- Latest