Career ng singer, naunsyami dahil hindi sumiping sa record producer
Harangan man ng pinakamatatalim na sibat, walang makapipigil sa pagpoprotesta ni Amay Bisaya laban sa katatapos na eleksyon sa Unang Distrito sa Maynila.
Kumandidato kasing konsehal doon ang komedyanteng naging pulitiko at hindi niya matanggap na natalo siya.
“Ako kasi ang no. 3 sa survey, pero nang lumabas ang resulta ng eleksyon, hindi man lang ako nakasali sa mga nagwaging anim na kandidato,” malakas na reklamo ni Amay.
Sa kasalukuyan ay bise presidente siya ng Actor’s Guild o Katipunan ng mga Artista sa Pelikulang Pilipino at Telebisyon (KAPPT). Kahit pa matamlay ang industriya ng pelikula, hindi naman nababakante sa trabaho si Amay.
Kaya naman hindi kami nagtaka nang ipagmalaki niya na meron siyang gagastahin sa gagawin niyang protesta.
“Nakwenta ko na ang lahat ng gastos at kung magkano ang babayaran sa bawat ballot box na bibilanging muli,” pagmamalaki ni Amay. “Nakausap ko na ang aking lawyer. Meron pa akong kasamang isa pang candidate na magpa-file din ng protest, kaya hati kami sa gastos. Ang ibang tao kasi iniismol ako’t wala raw akong pera para magprotesta.”
Sabi pa ng komedyante na wala namang tonong nagpapatawa, kaya lumabas siyang natalo ay dahil wala naman siyang mga poll watcher noong eleksyon.
* * *
Hanggang ngayon, pinag-uusapan pa ang isang recording executive at kanyang modus operandi sa mga natitipuhan niyang mga singers.
Kinuhang recording artist ng kanyang label ang isang poging mang-aawit. Pinapirma na sa kontrata at nagsisimula nang gawin ang isang album.
Bago natapos ang proyekto, kinausap muna ng executive ang singer. Lihim na lihim
Kasi naman, kinumbida ng boss ang male singer para sumiping sa kanya. Ang mang-aawit naman, hindi sanay sa ganitong mga sikretong negosasyon, kaya’t mahigpit ang naging pagtanggi.
Ang resulta, hindi tinapos ang paggawa ng album niya. Tila nagkaroon ng biglang pagtatapos ang kanyang recording career!
Marami pa naman kumukuha sa kanya sa mga singing engagements, kaya’t tiyak na darating din ang kanyang tamang araw upang magkaroon ng sariling CD.
* * *
Nakagamit ba kayo ng mga “Claudine” essences na inilabas ng Natasha?
Natural na si Claudine Barretto mismo ang endorser ng kanyang mga sariling pabango na very attractive ang packaging.
Marami kayong mapagpipilian sa bagong labas na Claudine Eau de Cologne tulad ng Playful Purple, Tickled Pink, Merry Mint. Meron din mga body spritz ang Claudine tulad ng Ocean, Heaven, Cloud at Dream.
Sa hanay naman ng Claudine Eau de Parfum ay kabilang ang Glamour, Glitz, Desire at Allure.
- Latest