Habang naka-maternity leave, panay ang gawa ng kanta ni Barbie
Isang selebrasyon ng kanyag musika ang Barbie Live On The Big Dome album ng 12 Stone Records. Isa siya sa makabagong makata’t mang-aawit na ating sinubaybayan mula pa noong siya’y kabilang sa Hungry Young Poets hanggang sa maging Barbie’s Cradle.
Noong Mayo 19, 2006 tinanghal ang matagumpay na live concert, kung saan naging guest artists sina Kitchie Nadal, Rocksteddy at si Ney ng 6Cyclemind.
Dahil isang major musical event ang Barbie Live on the Big Dome nararapat lang na mailabas ito sa isang CD, upang patuloy natin mapakinggan ang kakaibang pagkanta niya, pati ng kanyang mga kaibigan.
Lumabas din ang single mula sa album, “Parading”. Kasama sa CD ang “Torpe,” “Deadma” (Rocksteddy), “Smile At Me” (Rocksteddy), “Tabing Ilog,” “High” (with Ney of 6Cyclemind), “Just A Smile,” “Majika” (Kitche Nadal) mga duets nina Kitchie at Barbie na “Firewoman” at “Same Ground,” “Untitled” (Harana Song) na dedicated niya sa kanyang husband na si Martin Honasan, “Dahilan,” “You Learn” (ka-duet ang kanyang mother) “Summerday,” “Goodnyt” at “012”.
Noong makausap namin si Barbie Almalbis ay slim pa rin siya, kahit manganganak na siya sa Hulyo. Kundi nga lang malaki na ang kanyang tiyan, walang nagbago sa singer/composer. Katabi niya ang kanyang mister na si Martin, anak ni Sen. Gringo Honasan.
Kahit buntis siya, pinaplano na nila ng kanyang manager na si Tommy Tanchanco ang mga gagawin ni Barbie pagkapanganak.
Natatawa nga si Barbie nang sabihing noon Marso lang siya nakapagpahinga sa kanyang singing career. Matapos ang mahigit siyam na taong tuluy-tuloy na trabaho.
“Pagkagaling namin sa mga shows sa Singapore, noon lang ako nag-decide to take a break,” sabi ni Barbie.
Kundi pa siguro lumalaki na ang kanyang tiyan, sige pa rin siya sa pagkanta. Si Barbie kasi ang tipo ng musician na sobra ang dedikasyon sa kanyang sining.
Kahit sabihin pang nagpapahinga, tuloy ang pagsulat niya ng mga bagong kanta, na maaring makasama sa kanyang next studio album. Pero ang tiyak, wala naman siyang mga bagong kanta tungkol sa breastfeeding tulad ng sinulat ni Cynthia Alexander na “Gatas Ng Ina”.
Bukod sa pagiging endorser ng Bayo, marami pang mga consumer products na makakasali siya sa mga commercials. Naghihintay lamang sila na manganak na si Barbie upang makunan ang mga TV ads na bago.
Malamang sa last quarter ng 2007, maging abala naman siya sa isang Asian tour na kasama ang at least five countries. Magiging busy din siya sa pag-promote ng “Barbie Rocks The Big Dome” album.
Simula nang matutong tumugtog ng gitara si Barbie ay hindi na niya binitawan ang instrumento tuwing kumakanta o nagsusulat ng kanta. Marunong din siyang mag-piano pero higit na nakahiligan niya ang gitara.
Limang gitara ang pag-aari niya ngayon, pero ang paborito niya at palaging ginagamit ay ang regalo ng kanyang mister na si Martin.
Sa mga darating pang panahon, tiyak na lagi nating susubaybayan ang paglago ng musika ni Barbie Almalbis.
- Latest