Billy, no to sexy performances
Napapanahon na talaga! Mabuti naman at naisip ng GMA7 na bigyan ng isang TV show si Billy Crawford, ang dating taga-That’s na kilalang-kilala na ngayon sa Europa at nagsisimula namang magpakilala sa US at Asia.
Isang malaking kasalanan nga naman na mismong sa sarili niyang bansa ay estranghero siya kaya’t sa kabila ng marami niyang commitments sa abroad ay tinanggap ang offer ng GMA7 para mag-host ng isang reality dance search sa Siete na pinamagatang Move simula sa Hunyo 10.
Sa loob ng limang linggo, mapapanood ang daily performances ng 24 na dancer, may edad 16-26 at tututukan ng kamera ang kanilang mga kilos sa loob ng isang bahay na kung saan sila titirang lahat at maging ang training at workshop na gagawin nila sa pamamatnubay ng isang kilalang French choreographer, si Maryss na taga-Paris at isinama rito ni Billy.
Mapapanood ang lahat ng kaganapang ito sa isang 5-minute segment ng SIS.
May elimination linggu-linggo na base sa score ng hurado at text votes hanggang ang matira na lamang ay anim na dancers na siyang makakasama ni Billy sa kanyang major concert sa Araneta Coliseum sa Agosto 4.
Iprinisinta si Billy ng GMA7 sa media sa Music Museum kinahapunan nang siya’y dumating, nagpakitang gilas ito sa pamamagitan ng isang sing/dance number. Ipinakilala rin niya si Maryss na nagpaunlak din ng sample ng kanyang dancing prowess.
Nang may magtanong kay Billy kung papayag itong mag-perform ng sexy, sinabi niyang mas gusto niyang makilala siya ng kanyang mga kababayan sa istilo ng kanyang pagkanta at hindi sa iba pang bagay.
Sayang at hindi pwedeng magtagal dito si Billy dahil marami itong trabaho sa France, tulad ng promo ng kanyang bagong album na ilalabas at ilang mga serye ng konsyerto sa Amerika.
* * *
May ini-launch na 18 kabataan ang Star Magic, mga kabataan na dumaan sa mahigpit na audition & workshop bago iprinisinta sa media. Walo sa mga ito ay agad isinabak sa acting sa pamamagitan ng programang Abt Ur Luv (Isabelle Abiera, Krista Valle, Daphme Cortez, Jessy Mendiola, Caroline Riggs, B Ryan Homecillo, Martin del Rosario at Arno Morales). Sasamahanm sila ng pareha nina John Wayne Sace at Erich Gonzales.
Ang iba pang kasama sa Star Circle Batch 15 ay sina
Jordan Aguilar, Jon Avila, Benjamin Besa, Puma de Borja, Tim Espinosa, Jenna Estrella, Hiyasmin Neri, Franz Pumaren , Marvin Raymundo at Bianca Reyes.
Para sa akin pinaka-magandang batch na itong Batch 1, lahat promising at talagang piling-pili.
* * *
Napakaswerte naman ng isang contestant sa bagong programa ng GMA7 na Tok! Tok! Tok! Isang Milyon Pasok! (Linggo, 7NG) dahil talagang isang milyon agad ang pinanalunan nito nung nakaraang linggo. Siya si Lorie at nakatulong niya ng malaki para siya manalo at magawa ang kanyang mga challenges si Alessandra de Ross. Bukod sa P1M, nanalo rin si Lorie gh kabuhayan showcase na P80,000.
Ang bagong game show ay hosted nina Paolo Bediones at ng Sexbomb.
* * *
E-mail: [email protected]
- Latest