Marky, tsugi sa Asian Treasures
Isinama ni Sandy Andolong sa Beijing, China si Sandino, ang panganay nila ni Christopher de Leon para makapagbakasyon ang bagets. Umalis sila kahapon at kasabay nila sa biyahe ang ibang artista ng Asian Treasures.
Kasama si Sandy sa cast ng Asian Treasures. Importante ang kanyang role kaya may mga eksena siya na kailangang kunan sa China. Limang araw ang itatagal ng mag-ina sa Beijing at pagbalik ni Sandy, magiging busy ito sa taping ng isang bagong TV series na hindi ko muna sasabihin ang title.
* * *
Kahapon ang press preview ng Seiko Films. Hindi nakapunta si Diana Zubiri na bida ng pelikula dahil lumipad na nga siya papunta sa China. Nagustuhan ng entertainment press ang pelikula at agree sila sa sinabi ng direktor na si Joel Lamangan na magagaling ang mga artista ng Silip.
Kakaiba raw ang kuwento ng Silip na kailangang umpisahan para maintindihan ang pelikula na mula sa panulat ni Racquel Villavicencio. R-13 ang classification na ibinigay ng MTRCB sa Silip kaya puwede itong panoorin ng mga high school student na type ang kaseksihan nina Diana at Francine Prieto.
May mga sexy scene ang pelikula pero in good taste ang pagkakagawa nito. Kita n’yo naman, pumayag ang management ng SM Cinema na ipalabas sa kanilang mga sinehan ang Silip. Eh ang higpit-higpit ng SM sa mga pelikula na sexy ang tema ‘di ba? O siya, sabay-sabay nating silipin ang Silip sa June 6.
* * *
May nagtsismis sa akin na hindi muna uumpisahan ng GMA 7 ang Shaider dahil may mga inaayos pa ang network. Kumalat noon ang balita na si Marky Cielo ang gaganap na Shaider pero tumangging mag-comment ang kanyang kampo.
Wala silang kinumpirma o idinenay. Tama ang desisyon ni Marky at ng kanyang kampo na huwag magsalita o umasa dahil hanggang hindi nagsisimula ang taping, walang kasiguruhan na siya nga ang magiging bida.
Tsinugi na ang karakter ni Marky sa Asian Treasures. Ang akala ng kanyang fans, pinatay ang karakter niya dahil uumpisahan na ang taping ng Shaider. Eh biglang nagbago ang plano. Mauuna pa yata sa Shaider ang Mga Mata ni Angelita at ang Marimar kaya baka sa October pa simulan ang Shaider. Natsugi man siya sa Asian Treasures, siguradong hindi mawawalan si Marky ng mga guesting sa Kapuso network.
* * *
Ilang araw nang tapos ang Miss Universe contest pero inookray pa rin ito ng mga kababayan natin na hindi matanggap na natalo ang Philippine bet na si Anna Theresa Licaros.
Nagduda ang mga intrigera na dinaya si Theresa dahil ginanap sa Mexico ang contest. Imbyerna raw ang mga Mexicano sa mga Pinoy dahil ilang beses na tinalo ni Manny Pacquiao sa boksing si Erik Morales. May ganoong isyu?
Iba naman ang version ng mga Pinoy na may pakunswelo de bobo kay Theresa. Mas mabuti na raw na natalo si Theresa dahil mas nakakaiyak ang nangyari kay Rachel Smith ng USA. Nadulas na nga si Rachel habang rumarampa sa long gown competition, nakatikim pa siya ng malakas na boo mula sa Mexican audience na galit sa US government dahil pinahihirapan nila ang mga Mexicano na manirahan sa Amerika. Bilib ako kay Miss USA dahil binastos man ito ng harapan, smile pa rin siya. Daay. Kung sa akin ginawa ‘yon, mas malakas na boo ang isasagot ko!
- Latest