Bias rankings
Sa isang launch cum presscon na ginanap sa Studio 3 ng GMA Network Center, isa-isang umawit ng kani-kanilang winning song ang 9 grand finalists na sina Joyce Tañaña ng Pampanga; Jennie Escalada ng Navotas; Marvin Gagarin ng Nueva Ecija; Maricris Garcia ng Caloocan City; Miguel Naranjilla ng Malabon City; Bryan Termulo ng Bulacan; Louie Abaigar ng Olongapo City; April delos Santos ng Pampanga at ang World Challenger na si Jae Buensuceso mula sa San Francisco, California, at siyempre pa, may kani-kaniyang bet ang mga kasama naming entertainment press, kaya tinanong namin sila kung sa palagay ba nila, sino ang mahigpit nilang makakalaban.
Halos iisa ang isinagot nila, si Maricris o si Bryan, pero mas marami ang nagsabing si Maricris talaga ang mahigpit nilang makakalaban. Well, magdi-depend pa rin ang mananalo kung gaano sila kahusay mag-perform sa Grand Showdown na gaganapin sa Araneta Coliseum sa June 2.
* * *
Parating nasa bansa si Billy Crawford para sa kanyang reality-dance show na siya rin ang magho-host, ang Move, sa GMA-7. Sa pamamagitan ng Move, kukunin doon ni Billy ang magiging back-up dancers niya sa darating niyang concert sa Araneta Coliseum sa August, 2007. Kasalukuyan nang ginagawa ang audition ng mga interesadong mag-join sa show. Magsisimula ang reality-dance show sa June 3, pagkatapos ng SOP at bago ang Magic Kamison.
* * *
Tinanggap ng Star Magic ang claim ng TAPE, Inc. na hindi nila pwedeng payagang mai-launch sa Batch 15 ng Star Magic sa May 29 ang 2006 Mr. Pogi winner na si Edgar Allan Guzman, dahil may existing contract pa ito sa kanila. Tinanggap daw lamang nila na mag-audition si Edgar Allan sa Batch 15, dahil may ipinakita itong termination paper. Hindi nila alam na ang termination paper ay para lamang pala sa Eat Bulaga dahil nag-expire na ang one-year contract nito sa noontime show, pero ang managerial contract niya sa TAPE, Inc. ay tatagal pa hanggang 2008 kaya hindi siya pwedeng mag-sign ng contract sa ibang managerial company.
* * *
Ngayong na-proklama nang bagong Batangas Governor si Lipa City Mayor Vilma Santos, magawa pa kaya niyang bumalik sa showbiz? Balitang may gagawin silang movie nina Susan Roces, Kris Aquino at Kim Chiu sa Star Cinema pero maraming nagdududa kung uunahin pa ito ni Ate Vi dahil hindi isang bayan lamang ang kanyang aasikasuhin ngayon kundi lahat na ng bayan sa Batangas. Sa ngayon, naghihintay raw si Ate Vi ng balita sa bagong bahay nila sa Ayala Alabang para sa asawa niyang si Sen. Ralph Recto dahil hindi pa natatapos ang bilangan ng Comelec para sa mga senatoriables.
- Latest