Mga artistang nasa pwesto sapol sa sinabi ni Goma
“Nakuryente” ang maraming TV reporters na halos maghapon nagbantay sa NAIA, hanggang gabi pa sa paghihintay sa pagdating ni Yilmaz Bektas. Mayroon daw kasing nagbigay sa kanila ng impormasyon na darating iyon, kumpleto pa pati ang flight number ng airline na diumano ay sasakyan ng asawa ni Ruffa Gutierrez.
Hindi sila naniwala sa sinabi ni Annabelle Rama na hindi matutuloy ang pagdating dito ni Yilmaz. Sinabi pa ni Annabelle na sinabihan niya si Ruffa na sabihan na si Yilmaz na huwag nang magpunta pa sa Pilipinas kung hindi naman siya sasama pabalik sa Istanbul. Sayang lang ang pera at pagod ng kanyang asawa.
Sinabi nang ganoon ni Annabelle at si Ruffa naman ay nagsabing buo na ang kanyang desisyon na makipaghiwalay sa kanyang asawa, kahit na mahal pa rin niya ito, eh bakit pa sila naniwalang darating pa rin sa bansa si Yilmaz?
Iyong pagpunta dito ni Yilmaz kung sakali, ang balak lang niya ay makasundong muli ang kanyang asawa at makuha siguro ang dalawa niyang anak. Pero kung diniretsa naman siyang hindi sasama sa kanya ang asawa at hindi rin niya makukuha ang kanyang mga anak dahil sa umiiral na batas sa ating bansa ang mga batang wala pang pitong taong gulang ay kailangang manatili sa piling ng kanilang ina, ano nga ba ang dahilan para magpilit pa siyang magpunta rito?
Kung sabagay, magandang ideya na magpunta siya rito at manirahan siya rito para muling ayusin ang kanyang asawa kung talagang gusto pa niyang magkasundo silang dalawa. Dahil kung hindi niya gagawin iyon, sa gandang iyan ni Ruffa, ngayon ay alam na ng lahat na nakahanda na siyang makipag-diborsyo sa kanyang asawa, aba eh mabilis na maliligawan iyan.
*****
Unang bagsakan pa lamang ng quick count, nanguna agad bilang vice mayor ng Maynila si Francisco Domagoso, na lalong kilala sa tawag na Isko Moreno. Ni minsan, hindi siya naungusan ng kanyang nakalaban sa quick count man o sa official tally ng COMELEC. Kaya nga kinabukasan pa lamang pagkatapos ng eleksiyon, nagpapasalamat na si Isko sa mga taga-Maynila dahil sigurado na siyang vice mayor.
Bilang konsehal marami namang magandang bagay na nagawa si Isko sa kanyang distrito, hintayin natin kung ano naman ang gagawin niya para sa buong lunsod.
*****
Ano kaya ang magiging reaksiyon ng ibang mga artistang naka-pwesto sa gobyerno sa sinabi ni Richard Gomez na nawalan ng tiwala ang mga tao sa mga artista dahil sa walang nagawa para sa kanila ang mga artistang unang nanalo at nakaupo na sa pwesto sa ngayon.
Palagay namin wala pa lang kumikibo sa ngayon pero sooner or later may sasabihin din ang mga iyan.
- Latest