Ang pamamaalam
Ngayong Huwebes, May 24 ang graduation day ng panganay ni megastar Sharon Cuneta sa kanyang ex-husband na si Gabby Concepcion, si KC sa American University of Paris kung saan ito magtatapos ng Corporate Communications. Paalis bukas, Mayo 22 patungong Paris ang mag-asawang Sharon at senator Kiko Pangilinan kasama ang kanilang dalawang anak na sina Frankie at Miel at ang best friend niyang si Fanny Serrano. Double celebration ang magaganap sa Paris. Una ang graduation ni KC at pangalawa ang muling pagkakapanalo ni Kiko sa kanyang second bid sa senado bilang isang independent candidate bagama’t hindi pa tapos ang bilangan.
Sa Hunyo 3 pa ang balik ng mag-anak sa Maynila.
*****
Dalawang maituturing na institusyon sa kani-kanilang mga larangang pinasok sina Cesar Nocom na mas kilala sa broadcast industry na si Kuya Cesar at ang singer-comedian na si Yoyoy Villame. Parehong atake sa puso ang ikinamatay ng dalawa. Si Kuya Cesar ay binawian ng buhay sa Capitol Medical Center nung gabi ng May 17 (dalawang araw matapos ang kanyang ika-69 na kaarawan) habang si Yoyoy naman ay nung hapon ng Mayo 18.
Si Kuya Cesar ay pumasok sa radio broadcasting nung 1969 sa old ABS-CBN hanggang sa pagsasara nito nung panahon ng martial law nung 1972. Nang maibalik sa mga Lopez ang ABS-CBN nung 1986, bumalik si Kuya Cesar sa dati niyang home studio at nanatili siya rito hanggang sa kanyang pagpanaw.
A couple of years ago, naatasan ako ng DZMM na mag-pinch-hit ng dalawang Sabado sa programa ni Kuya Cesar nang ito’y magtungo ng Amerika para magbakasyon. Ang kanyang programa noon ay nagsisimula ng alas-11 ng gabi at nagtatapos ng alas-2 ng madaling araw. Tinanong ko ang aking sarili kung may nakikinig pa ba sa ganoong oras. Hindi kaya antukin ako habang nasa ere? Pero ganoon na lamang ang aming pagkabigla na napakarami palang listeners si Kuya Cesar sa ganoong oras. Ang mga ito ay ‘yung mga nagtatrabaho sa graveyard shift at marami rin kaming natanggap na mga tawag na nagmumula sa ibang bansa. Ganoon kalawak ang programa ni Kuya Cesar at ng DZMM.
Ang maamong boses ni Kuya Cesar ay hindi na muling mapapakinggan sa ere pero ang kanyang masasayang alaala ay mananatiling buhay sa puso at isipan hindi lamang ng kanyang pamilya at mga kaibigan kundi lalung-lalo na sa milyong-milyong tao na kanyang pinasaya sa pamamagitan ng kanyang programa sa radyo.
*****
Nasa Vicor Music Corporation pa kami nang sumikat nang husto ang dating taxi driver ng Bohol at Cebu na si Yoyoy Villame.
Kung hindi kami nagkakamali, hindi man lamang sumampa sa high school ang talented singer-comedian at composer na si Yoyoy pero hindi ito naging hadlang para sumikat siya nang husto na nagsimula nung late ‘70s.
Dahil sa pagiging talented ni Yoyoy bilang isang singer-composer at performer, nakarating siya sa iba’t ibang bansa kung saan may mga Filipino para maghatid ng aliw.
Tulad ni Kuya Cesar na hindi na muling maririnig ang malamyos na boses sa ere, mahihinto na rin ang paglikha ni Yoyoy ng kanyang mga kakaibang novelty songs pero ang kanyang mga iniwanang awitin ay mananatiling buhay at patuloy pa ring mapapakinggan.
Sa mga naulilang pamilya nina Kuya Cesar at Yoyoy, ang aming taos pusong pakikiramay mula sa amin dito sa PSN.
*****
- Latest