^

PSN Showbiz

Marikina,The River City of Lights

- Veronica R. Samio -
Ikalawa ang Marikina City sa aming series of provincial tours na nagsimula sa probinsya ng Bulacan. Dalawang beses kaming pumunta ng Bulacan, kaming mga movie press, sa paanyaya ni Gobernador Josie dela Cruz na pinacilitate ni Elay Formaran, isang kapatid sa hanapbuhay.

Si Mother Ricky Reyes naman ang naging dahilan para makilala namin ang napakasipag na mayora ng Marikina, si Mayor Marides Fernando, nung kausapin namin si MMDA Chair Bayani Fernando, dating mayor ng Marikina at kabiyak ni Mayor Fernando. Nagbabalak si Chairman Bayani na tumakbo bilang ikalawang pangulo ng bansa.

Hindi pa nangangampanya si Chairman Fernando. Hindi pa siya napipili ng kanyang partido na tumakbo bilang bise president. Bagaman at sinabi niyang gusto niyang maka-tandem si Pangulong GMA ay hindi pa siya nito pinipili. Napabalita nang kinukuhang running mate ni GMA ang broadcaster at ngayon ay Senador ng bansa na si Noli de Castro. Kapuri-puri ang pangyayari na walang galit kay Chairman Fernando na bagaman at paborito siyang myembro ng gabinete ng pangulo ay iba ang gusto nitong maka-tandem sa eleksyon sa 2004.

Kapuri-puri rin ang layunin ni BF na gagawin sa buong Pilipinas yung magandang ginawa niya sa kanyang lungsod.

May urbanidad na ang mga dati ay hindi sang-ayon sa mga gawain niya, gaya ng paglilinis ng bangketa ng mga sidewalk vendors. Sinabi niya na kapag nanalo siyang VP, ibig sabihin lamang ay tama yung posisyon niya na ang mga sasakyan ay sa mga kalye, ang bangketa ay para sa tao at ang tindero ay sa palengke. "Kapag hindi, kawawa tayong muli," aniya.

Si MMDA Chairman Fernando ay isa sa napiling Outstanding Newsmakers of the Year, kasama ang nagbabalak ding tumakbo sa pagka-Pangulo na si Fernando Poe, Jr.

Samantala, naging masaya ang paglilibot na ginawa namin sa Marikina, kasama ang mababait na staff ni Mayor Marides.

Kumpara sa biyahe namin sa Bulacan, isang bus na puno ng movie writers ang sumama sa tour.

Mas maganda ang Marikina sa gabi, napakaliwanag sa dami ng ilaw. Tama yung layunin ng pamahalaan na pasiklabin ito sa liwanag para bumagay sa pangalan nitong River City of Lights.

Papasok pa lamang ng Marikina ay nagliliyab na sa ilaw ang mga kalsada at pasilyo ng lungsod. Maging ang ilog ay puno ng ilaw, gayundin ang mga malalaking sapatos na nakapalamuti sa ilog. Sagisag ang mga sapatos ng malaking industriya na nagbibigay ng malaking pangalan at karangalan sa siyudad. Mahigit sa 700 shoe manufacturer ang nasa lungsod na ito na ang nagpasimula ng industriya ay isang nagngangalang Kapitan Moy na ang bahay sa Sta Elena ay ginawa nang Sentro ng Pang-Kultura ng Marikina.

Dito kami unang dinala ng aming mga guides sa pamumuno ni Milette Lorenzo, Chief Public Information Officer ng lungsod. Dito rin kami hinandaan ng isang napaka-simple pero masarap na hapunan. Ang Sentro ay isang social house na ginagawang reception sa mga kasalan at iba pang mahahalagang events. Mayroon itong isang piano bar na kung saan nagsimulang kumanta-kanta si Chairman BF na ang pinaka-highlight ng kanyang singing ay ang pagiging isa sa mga stars ng isang konsyerto na pinamagatang Salute kasama sina DILG Sec. Joey Lina at General Angelo Reyes.

Sumunod na destinasyon namin ay ang shoe museum na kung saan 900 na pares ng sapatos ni dating Unang Ginang Imelda Marcos ay makikita on display. Makikita rin dito ang mga gamit sa paggawa ng sapatos. Pahiram lamang ang mga sapatos ni Imelda sa Marikina.

Dahilan sa Kapaskuhan, nagbukas sa Marikina ang isang Christmas Festival mula Disyembre 1 hanggang Enero 5 ng taong 2004.

May Christmas display ang 14 na barangay na ang tema ay Christmas Around the World.

Pinaka-exciting na bahagi ng aming pamamasyal ay ang pagsakay namin sa isang River Taxi na naglibot sa amin sa kahabaan ng Marikina River na ang magkabilang bahagi ay punung-puno ng napakaraming tiangge. Sayang at kinakailangan na akong pumunta ng opisina para buuin ang mga pahinang ito kaya di ko na nakita kung ano ang mga itinitinda sa mga tiangge at kung sino yung pinagkakaguluhang performer sa stage.

Isa pang ipinagmamalaki ng Marikina ay ang imbentor ng lungsod na si Isidro Umali Ursua, 62 taong gulang na pinagkalooban ng Phillips ng Most Promising Invention Award–Likha category para sa proyektong Skyla, Vertical Wheel and Axle Primemover, isang electrical power plant that can withstand the worst possible weather condition in the open seas without interruption.

Si Ursua ay isang dating flight engineer para sa malalaking international companies sa ibayong dagat sa loob ng 23 taon. Tumigil siya para mag-concentrate sa pag-iimbento at plant cloning para mapigil ang pagkawasak ng mga gubat.
* * *
Maswerte talaga si Francine Prieto dahilan sa pawang mga magagandang salita tungkol sa kanya ang lumalabas sa bibig ng kanyang mga co-stars sa pelikula ng Seiko Films para sa MMFF.

Nagkakaisa sina Dina Bonnevie at Cherrie Pie Picache sa pagsasabing maganda ang working attitude niya, na kalmante lamang siya at willing to work. Nakasisiya rin sa kanila yung pangyayaring hindi siya nali-late at tahimik na lamang siya sa isang sulok kapag wala siyang ginagawa.

Bago sila nagka-trabaho ay may takot si Francine sa dalawang beteranang aktres, lalo na kay Dina na pawang mga nakakatakot na salita ang narinig niya.

"Wala namang mga naganap na ganitong pangyayari. Mababait sila at very supportive sa akin. Nagpapasalamat nga ako dahil napaka-professional nila kaya wala akong naging hirap," ani Francine na after Liberated ay hinulaang mas malayo pa ang mararating dahilan sa magandang resulta ng kanyang launching movie. Maganda rin ang role niya sa Bridal Shower na talagang pinaganda ni Jeffrey Jeturian ang istorya.
* * *
Matapos ang apat na buwang paghihintay, mapipili na ang tatanghaling titleholder para sa Search for the Wildest & Hottest Babe 2003. Nakatakda ang grand finals ngayong gabi sa NBC Tent sa The Fort. Ang mga emcees ng search ay sina Edu Manzano at Regine Tolentino. Ang paligsahang ito ay inorganize ng Uptrend Concept Management sa pakikipagtulungan ng Johnny Walker.

ANG SENTRO

BRIDAL SHOWER

BULACAN

CHAIR BAYANI FERNANDO

CHAIRMAN FERNANDO

ISANG

MARIKINA

PARA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with