^

PSN Showbiz

Pia Pilapil nagtatago sa mga reporters

FRONT SEAT - Cristy Fermin -
Nagtatalo kaming magkakaibigan sa kasong kinapapalooban ngayon ng mag-asawang Gerry Gonzalo at Pia Pilapil, hindi kasi kami makapaniwala sa kwentong binugbog ng bulag na dating modelo si Pia, na nauwi sa kanilang paghihiwalay.

Unang tanong, paano kaya nakapambubugbog ang isang walang paningin, napakadaling tumakbo ng sinasaktan kung totoo man ang kwentong ’yun.

Umaamba pa lang ang bulag na mananakit ay pwede nang umilag agad ang sasaktan. Kaya nakapagtataka kung paanong lumabas ang balitang sinaktan daw ni Gerry si Pia, kaya nakipaghiwalay ang modelo-aktres sa kanyang mister.

Pero marami rin ang nagsasabi, ibang klase ang tindi at lakas ng pakiramdam ng isang bulag, mas matindi pa raw iyon sa pangdamdam ng isang nakakakita, kaya posibleng totoo rin ang kwentong nasulat.

Nung nakaraang Linggo ay tahimik na umalis sa bansa si Gerry patungong Canada, samantalang si Pia naman ay may kinakaharap na kaso ngayon, dahil sa di umano’y ginawa niyang paghabol at pagtatangkang pananakit kay Gerry at sa magkapatid na Sullano ng La Vista.

Nakapanghihinayang lang ang relasyong ito na hinangaan ng marami noon, dahil sa dami ng nanliligaw kay Pia ay si Gerry pa rin na bulag ang kanyang pinakasalan. Nagsama sila nang maayos at nagkaroon ng tatlong anak.

Walang nakakaalam kung saan mauuwi ang kaguluhang ito, sinubok naming kunin ang pahayag ni Pia, pero sa gate pa lang ng Filinvest Subdivision sa Cainta ay may bilin na siya sa mga guwardiya na wala siya.

Ipinakiusap pa sa amin ng guwardiya ang kasama ni Pia sa bahay at mula sa sagot ng aming kausap ay lalong naging malinaw sa amin ang mensaheng nagtatago nga si Pia sa mga reporter.

Okey lang yun, nirerespeto namin ang hinihinging katahimikan ni Pia, masyadong magulo ang kanyang buhay ngayon at mas gusto niyang resolbahan nang matahimik ang kanyang problema.
* * *
Parehong nagde-denay sina Pia Pilapil at Wendell Ramos tungkol sa pag-uugnay na ginagawa sa kanila ngayon. Hindi totoong si Wendell ang ama ng ipinagdadalantao ni Pia, magkaibigan lang daw sila.

Pero nakagugulat lang ang minsang sinabi ng nakahiwalay na asawa ng aktor nung minsang kunin nito ang kanilang anak ni Wendell na si Jopjop ay si Pia ang nag-abot kay Jet Magdangal.

Ang nasa bahay lang daw ni Wendell ng mga oras na yun ay sina Wendell, Pia at Jopjop, wala nang iba pa, kaya naguguluhan din ngayon si Jet tungkol sa kwentong lumabas.

Nakakatuwa nga palang malaman na tumupad si Wendell sa kanilang usapan ni Jet tungkol kay Jopjop, hindi ipinagdamot ni Wendell ang bata sa ina nito. Tuluy-tuloy pa rin ang lingguhan nilang paghihiraman sa kanilang anak.

Ang ikinatatakot kasi ni Jet nang magsalita na siya tungkol sa nakaraan nilang relasyon ni Wendell ay baka ipagdamot na sa kanya ng aktor ang kanilang anak. Nagalit kasi si Wendell nang magsalita siya, pero kabaligtaran ng kanyang iniisip ang naging resulta.

Kamukhang-kamukha ni Wendell si Jopjop, guwapo rin ang bata, tulad ng kanyang ama. At aminado naman si Jet na papa’s boy talaga ang bata, ’yun ang dahilan kung bakit kapag nakikita niya si Jopjop ay napapaluha na lang siya.

Nu’ng minsang nasa kanya si Jopjop ay tumawag si Wendell, ang bata lang ang kinausap ng aktor, hindi nito kinausap si Jet.

Ayon kay Jet ay nakaganda sa kanya ang paglalabas ng mga sama niya ng loob kay Wendell, parang nabunutan daw siya ng tinik dahil dalawang taon na niyang kinikimkim ang lahat.

vuukle comment

FILINVEST SUBDIVISION

GERRY

GERRY GONZALO

JET

JOPJOP

LANG

PIA

PIA PILAPIL

WENDELL

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with