^

PSN Showbiz

Suwerte lang ba ang tagumpay ni Piolo?

FRONT SEAT - Cristy Fermin -
Hindi lang ulan ng biyaya ang dumarating ngayon kay Piolo Pascual, bagyo na, dahil ang bwena-manong parangal na ipinagkaloob sa kanya ng MMFF nu’ng Disyembre ay patuloy na nanganganak.

Siya ang tinanghal na best supporting actor ng MMFF para sa pelikulang Dekada ’70, dalawang parangal naman ang dadaluhan niya ngayong gabi (Sabado), ang Pasado at Star Awards For Movies ng Philippine Movie Press Club.

Si Piolo ang napiling best supporting actor ng Young Critics Circle kamakailan at ngayong gabi ay tatanggapin niya ang ganu’n ding parangal mula sa Pasado at dasal namin na sana’y siya rin ang magtagumpay sa kategoryang best supporting actor ng Star Awards.

Sa susunod na buwan naman ay pararangalan si Piolo ng Guillermo Mendoza Memorial Awards Foundation bilang Mr. RP Movies at sa Abril 12 ay siya ang personal na pinili ng Master Showman na si German Moreno at ng pamunuan ng FAMAS awards para pagkalooban ng Youth Achievement Award.

Ang parangal na ibibigay ni Kuya Germs at ng FAMAS para kay Piolo ang may pinakaemosyonal na tama sa puso ng gwapong aktor dahil ang Piolo Pascual na kinikilalang nangungunang batang aktor ngayon ay produkto ng That’s Entertainment, ang panghapong programang pangkabataan noon ni Kuya Germs.

Siya ang dating PJ Pascual ng That’s... doon siya nagsimulang kumanta at sa pagiging myembro ng programa ni Kuya Germs, nawala ang pagiging masyadong mahiyain ni Piolo.

Kwento nga ni Mommy Amelia, ang dakilang ina ng matagumpay na aktor, ay huli na nang malaman nitong artista na pala ang kanyang anak.

"Ano? Bakit ikaw pa? Ano ang gagawin mo sa showbiz, eh napakamahiyain mo nga?" gulat na pahayag ni Mommy Amy nang malaman nitong nakapasa sa audition sa That’s... ang kanyang bunso.

Napakalaki ng utang na loob na tinatanaw ni Piolo kay German Moreno, ang pangarap na tinupad sa kanya ng That’s... ay dinugtungan naman ng Talent Center ng ABS-CBN, at ang naging resulta nga ay isang Piolo Pascual na kinikilalang numero unong young actor ng kasalukuyang panahon.
* * *
Sa personal naming opinyon, kung ang pagkakilala at pagsubaybay namin sa buhay at career ni Piolo ang pagbabasehan, ay hinog na ang panahon para mamitas ng mga bunga ng kanyang pagsisikap si Piolo.

Hindi minadyik lang ang tagumpay na hawak niya ngayon, hindi ’yun ipinanganak nang magdamagan lang, maraming-maraming araw ng pagpapagod at gabi ng pagpupuyat ang pinuhunan niya para makarating sa kanyang estado ngayon.

Parang makina na siya kung magtrabaho, ang mga personal niyang sakripisyo ay nakikita namin, gusto niyang humagulgol dahil sa sobrang sama ng loob ay kailangan pa rin niyang ngumiti at kumaway sa harap ng publiko.

Saludo kami sa kakayahan ni Piolo na maihiwalay ang personal niyang saloobin sa kanyang propesyonal na buhay, sa panahon ng trabaho ay iniiwanan lang muna niya sa isang sulok ang kanyang mga problema.

Ang isang artistang tulad ni Piolo na marespeto sa kanyang trabaho ay may tiyak na patutunguhan, minamahal pabalik ng trabaho ang mga artistang may direksyon ang buhay, may tagumpay na laging nakaabang para sa mga taong marunong magpahalaga sa mga regalong ibinibigay sa kanila ng Diyos.

"Ang dami-dami ko na pong utang sa Diyos," minsan ay nasabi sa amin ni Piolo, ang aktor na basta nakakita ng pagkakataon ay tiyak na papasok sa simbahan para magpasalamat sa lahat ng mga biyayang napapasakamay niya.

ANO

DIYOS

GERMAN MORENO

GUILLERMO MENDOZA MEMORIAL AWARDS FOUNDATION

KANYANG

KUYA GERMS

MASTER SHOWMAN

PIOLO

PIOLO PASCUAL

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with