^

PSN Showbiz

Puwersa ni FPJ lumalakas

FRONT SEAT - Cristy Fermin -
Dahil sa ginawang pakikilahok ni Fernando Poe, Jr. sa nakaraang martsa-protesta ng mga artista at singers at iba pang propesyonal laban sa implementasyon ng 10% VAT ay kaliwa’t kanang tanong ang ipinupukol sa amin ngayon ng marami.

Senyal na raw ba ‘yun ng positibong pagtakbo sa panguluhan ng Hari ng Pelikulang Pilipino sa susunod na taon?

Nagpaparamdam na raw ba si FPJ na totoo, lalahok na nga siya sa larangan ng pulitika sa 2004, sa ayaw at sa gusto ng kanyang mga kaibigang nagpapayo na huwag na lang dahil maisasakripisyo ang kapribaduhan ng kanyang buhay kapag pumagitna na siya sa labanan?

Maaaring tama kami at maaari rin namang mali, pero kung ang pangsarili naming panukat ang huhusga sa mga ginagawa ngayon ni FPJ ay naniniwala kami na totoo, tatakbo nga siya sa panguluhan sa darating na taon.

Marami kaming personal na dahilan kung bakit kumbinsido kaming mas nakahihigit ang posibilidad ng kanyang pakikisawsaw sa mundo ng pulitika kaysa sa pag-urong, dahil kilala namin si Da King sa pagiging tahimik lang at iwas sa mga ganu’ng pagkilos.

Alam ng industriya na kaisa nila si FPJ sa kanilang mga adhikain at ipinaglalaban, alam ng mga artista na anuman ang mangyari ay nakasuporta ang hari ng aksiyon sa kanilang mga hinaing, pero sa pinakamatagal na panahon ay bihirang-bihirang makita ang presensiya ni FPJ sa anumang kilos-protesta ng mga taga-industriya.

At kung kami ang magbibigay ng personal naming opinyon, ang nakita naming pakikiisa ni FPJ sa rally ng mga artista kontra sa implementasyon ng 10% VAT ay isang malinaw na senyal na kaunting hilot na lang at patungo na sa pagdedeklara sa panguluhan ang Hari ng Pelikulang Pilipino.
* * *
Lumalawak na ang bilang ng mga kababayan nating nagsisikap at nagsusulong sa pagtakbo sa panguluhan ni FPJ.

Ang unang grupo na binuo nu’ng nakaraang Setyembre pa ng nakaraang taon, ang FPJPM (The Filipinos For Peace, Justice and Progress Movement) na pinamumunuan ni G. Boots Cadsawan, ay may limang libo na ang boluntaryong coordinators sa buong bansa, meron na silang nabuong lokal na sangay sa malalayong probinsiya, pati na sa Visayas at Mindanao.

Kamakailan lang ay may isang grupo na namang sumulpot mula sa Kabisayaan, hinihikayat din ng grupong ito na tumakbo sa panguluhan si FPJ, pero meron namang simbolikong kontribusyon na tinawag ng mga itong Piso Para kay FPJ ang ikalawang grupo.

Nais lang linawin ng FPJPM na walang kuneksiyon sa kanilang grupo ang ikalawa, dahil ang FPJPM ay walang anumang hinihinging pinansiyal na tulong kaninuman, ke simboliko pa ‘yun o sa ano pa mang paraan.

Nasasaksihan namin ang proseso ng FPJPM sa pagtatrabaho, ang kanilang mga pagkilos ay ginagastusan ng kani-kanilang bulsa, sarili nilang pera ang ipinangtutustos ng FPJPM sa kanilang mga aktibidad.

Sa pagkumpleto nga nila sa isang milyong lagda para sa kandidatura ni Da King ay sarili nilang bulsa ang nananagot sa lahat ng gastusin, kusang-loob na tulong lang ang inaasahan nila sa pamamagitan ng donasyong pagkain at sasakyan, kung mayroong nag-aalok.

Katatapos lang ng kanilang caravan sa Tondo nu’ng nakaraang linggo, nu’ng Sabado naman ay nag-caravan din sila sa Pangasinan, at sa mga susunod na linggo ay maraming lugar pa ang kanilang bibisitahin.

Sa totoo lang, ang mga manifestong hawak ng mga miyembro ng FPJPM sa pagpapirma ng lagda ay hindi na kailangan pang ipagpilitan sa taumbayan, ang mga tao mismo ang umaagaw sa papel, para sa kanilang pirmahan.

‘Yun ang puwersang hindi kayang pasubalian ng mga nangmamaliit sa kapasidad ni FPJ, publiko ang masigasig na nagtutulak sa kanya para tumakbo sa panguluhan sa 2004.

BOOTS CADSAWAN

DA KING

FERNANDO POE

FILIPINOS FOR PEACE

FPJ

KANILANG

LANG

PELIKULANG PILIPINO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with