^

PSN Showbiz

Carmina tumangging makasama si Robin dahil kay Rustom

FRONT SEAT - Cristy Fermin -
Tapos na nu’ng Biyernes ang Morning Girls, ang programang sa simula pa lang ay tinatawag nang Boring Girls, dahil nakakaantok daw panooring mag-host sina Pops Fernandez, Zsazsa Padilla at Carmina Villaroel.

Sa aming panukat ay hindi naman nakakaantok ang programa, ramdam lang namin na may kulang, dahil parang mga labanderang pinagluto at idinestino sa kusina ang tatlong hosts.

Si Carmina lang para sa amin ang pasable sa show dahil alam ng aktres ang kanyang ginagawa, kumpara kina Pops at Zsazsa na mas kahanga-hangang singers, kaysa hosts.

Dapat sana’y hanggang sa katapusan pa ang MG, nakikiusap ang Dos na tapusin na sana muna ng tatlo ang buwang ito bago sila umalis, pero kinumpleto lang nila ang eksaktong petsang nakalagay sa pinirmahan nilang kontrata na Enero 17.

Wala pa palang tiyak na programang papalit sa MG, ang balita nami’y sinuman kina Korina Sanchez, Kris Aquino at Tessie Tomas ang magho-host ngayong Lunes, pero sa Morning Girls pa rin ‘yun at hindi pa bagong programang kapalit ang ere.

Nanghihinayang nga si Carmina sa show, napamahal na rin kasi sa kanya ang programa, ang kanyang mga co-hosts pati na ang staff, pero hanggang du’n na lang talaga ang Morning Girls.

Nu’ng nakaraang Lunes ay nakipagmiting na si Tita Dolor Guevarra sa mga ehekutibo ng GMA-7, may magagandang alok ang istasyon para kay Carmina, pero wala pa silang tinatanguan.

May magaganda rin kasing plano ang Dos kay Carmina ngayong Abril, kaya ang tinitimbang ngayon nina Carmina at Tita Dolor ay kung alin ang mas magandang alok.

Wala nga namang masama kung maghihintay muna sila nang ilang buwan para maasikaso naman ni Carmina ang kanilang kambal ni Zoren Legaspi.
* * *
May alok sana kay Carmina para mapasama sa gagawing dramedy nina Judy Ann Santos at Robin Padilla, pero tinanggihan ‘yun ni Tita Dolor, ayaw pa nitong mabuhay pa uli ang isyu sa pagitan nina Carmina at Rustom Padilla.

Tahimik na ang sitwasyon ng magkabilang kampo ngayon, maayos na ang pagsasama nina Carmina at Zoren, kaya kalabisan na kung mauungkat pa uli ang nakaraang sitwasyon at relasyon nina Carmina at Rustom.

Kahit ano pa nga naman ang sabihin ay kapatid pa rin ni Rustom si Robin, kaya kahit wala namang kuneksyon ‘yun sa propesyonal nilang buhay ni Robin ay mauungkat pa rin ‘yun.

Huwag na lang, sabi ni Carmina, at sa anggulong ‘yun ay saludo kami sa magandang aktres, dahil kahit sa kainitan ng isyu ng paghihiwalay nila ni Rustom ay nanatili siyang tahimik lang.

Kahit nu’ng magdalantao siya at manganak sa Amerika ay walang direktang pahayag na nagmumula sa kanya, puro mga pahatid-balita lang, at nu’ng umuwi na siya sa bansa ay nakita na lang natin kung gaano kaguwapo at kaganda ang produkto ng pagmamahalan nila ni Zoren.

Gustung-gusto namin ang ganda ni Mina, hindi ‘yun umaasa sa kolorete, mas wala siyang make-up ay mas maganda siya dahil walang mali sa kanyang mukha.

Sa ugali ay lalong wala kang masasabi sa aktres, kikay siya at makwento at madaling pakibagayan ang kanyang kanaturalan, masarap siyang kakwentuhan at wala kang maririnig na pintas sa kanya patungkol sa ibang tao.

‘Yun ang dahilan kung bakit magaan din ang dating ng biyaya sa magaling na aktres, kumikilos kasi siya nang walang kainggit-inggit at masamang motibo sa kanyang kapwa.

BORING GIRLS

CARMINA

CARMINA VILLAROEL

JUDY ANN SANTOS

KAHIT

LANG

MORNING GIRLS

RUSTOM

TITA DOLOR

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with