^

PSN Showbiz

GMA nasaktan sa pag-alis ni Assunta

FRONT SEAT - Cristy Fermin -
Ayaw lang nilang aminin, pero totoong nagbabanatan-nag-uupakan ang magkalabang istasyong Dos at Siyete.

Kung ano ang meron ang kabilang istasyon ay kailangang meron din ang isa, pero mas lutang ang laging panggagaya ng Dos sa Siyete.

Kapag negosyo na talaga ang pinag-uusapan ay wala nang kung sino ang orihinal at nanggagaya lang, ang mahalaga ay pareho silang meron, ang huwag silang mahuli pareho.

Kapag naglipat ng time slot ang Siyete ay maglilipat din ang Dos, kapag ginulo ng Dos ang programming ay aaksyon naman agad ang Siyete, kaya ang manonood tuloy ang nahihilo sa paglilipat-lipat nila ng oras.

Kahit sa tapatang serye ng magkabilang istasyon ay nagpapatungan sila sa oras, kaya kung sinusubaybayan mo ang magkatapat na serye ay may matututukan ka at mapapabayaan dahil sa pagpapalipat-lipat ng istasyon.

Sa mga alaga naman nilang artista ay rigodon din ang nangyayari, may mga datihan nang talents ang Dos na namamayagpag ngayon sa Siyete, at meron din namang mga artista ang Siyete na lumipat na sa Dos.

Ang pinakahuling lumipat sa Dos ay si Assunta de Rossi, hindi pwedeng sabihing sinulot ng Dos ang aktres dahil wala naman itong kontrata sa Siyete.

Pero kahit walang sulutang naganap ay binabato ngayon ng mga intriga ang nagpapaseksing aktres sa punto ng utang na loob.

Walang kasalanan ang Dos sa nangyayari, huwag nating ipapasan sa kumpanya ang krus, dahil ang pinuputukan ng pagtuligsa ay si Assunta mismo.

May katwiran naman kasi ang marami, dahil nu’ng mga panahong wala pang pumapansin man lang sa aktres, ni pabalat-bungang alok ay wala naman itong tinanggap, mula sa Dos.

Ang Siyete lang ang nagbigay ng tiwala at pagkakataon sa aktres, ke may kontrata man ’yun o wala, kaya naging regular siyang artista ng Siyete sa mga programang Bubble Gang at Beh, Bote Nga.

Kahit na nga ba isa lang siya sa maraming artistang tagapagparami sa casting sa dalawang sitcoms ng Siyete, hindi maitatangging malaking exposure ang naibigay sa kanya ng istasyon.

Pero ngayon ngang may napatunayan na siya sa box-office at sa pagganap, ang Siyete ay iniwanan na ni Assunta, at sumampa na siya sa kabilang bakod.

Mga Pinoy pa naman tayo na ang pakahulugan sa utang na loob ay imortal, hindi kayang bayaran ng kahit magkano, kaya ’yun ang ibinubutas ngayon kay Assunta ng marami.
* * *
Masakit sa Siyete ang nangyari dahil sila nga naman ang nagbigay ng pagkakataong makilala si Assunta, pero nang magkapakpak na ay biglang lumipad sa ibang pugad, para du’n mangitlog at pakinabangan.

Ang Dos pa naman, pati ang langit at lupa ay ipangangako ng monopolyong istasyong ito, makuha lang ang serbisyo ng maraming artista.

Kung magkano ang kayang ibayad ng Siyete ay itataas pa nila ng kaunti, kaya sa sumahan ay mas malaki pa rin ang may dagdag na halaga, kaysa sa dati na nilang tinatanggap.

Sa rami ng mga artistang nakakontrata na ngayon sa Dos na ang ilan lang ang talagang sinuswerteng maalagaan nang husto at mas marami ang napapabayaan ay huwag sanang magsisi si Assunta sa kanyang paglipat.

Karaniwan na kasing nasa huli ang pagsisisi, tulad ng nangyari sa ilang artista ng Siyete na lumipat sa Dos, pero wala rin naman milagrong nangyari.

Mas mabuti pa raw na hindi na lang sana sila lumipat at namalagi na lang sila sa Siyete, dahil karamihan naman sa pangako sa kanila ng Dos ay napako.

ASSUNTA

BOTE NGA

BUBBLE GANG

DOS

KAHIT

LANG

NAMAN

SIYETE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with