^

PSN Showbiz

Ano ang tawag sa naganap sa De Rossi sisters ?

FRONT SEAT - Cristy Fermin -
Unti-unti nang natitibag ang pader sa pagitan ni Assunta de Rossi at ng kanyang pamilya.

Ilang ulit na naming sinasabi-isinusulat sa aming mga kolum, sa bandang huli ng kontrobersiyang nagaganap sa mag-iina ay sila-sila pa rin ang magiging magkakasangga, dahil totoong mas matimbang ang dugo kaysa sa tubig.

Magkakasundo-sundo sila, magkakaunawaan, at ang pinakapangit na mangyayari ay ang mga tao pang nakisawsaw sa kontrobersiya ang maiiwanan sa gitna.

Ganu’n naman ang karaniwang nagaganap sa showbiz, mag-aaway ang mag-ina o magkapatid, ititinda nila sa publiko ang kanilang mga baho at pagkatapos lang ng ilang araw o linggo ay magkakasundo na rin sila.

Kaiba na lang ang kuwento ng away nina Assunta at Mommy Nette at Alessandra, maraming taong nadamay sa kontrobersiya, na nauwi pa nga sa demandahan.

Naging mainit din ang balitaktakan dahil sangkot sa isyu ang isang taong labas sa kanilang pamilya, si Cong. Jules Ledesma na pakiramdam ng pamilya ni Assunta ay ipinagpalit sa kanila ng dalaga, at sagutan-patutsadahan ang nangyari dahil palaban din ang lalaki.

Nakakahiya ang nangyari dahil sa sobrang pagdedepensa ni Assunta sa lalaking nagpapainog ng kanyang mundo ngayon ay parang ipinagkanulo niya ang kanyang pamilya.

Nagmistulang robot na sunud-sunuran lang noon si Assunta kay Cong. Jules, hanggang sa pati ang manager niyang si Manny Valera ay palabasin nilang mukhang pera at walang malasakit sa aktres, bintang na dinepensahan naman ng manager.

Kumampi kay Manny ang mga kapamilya ni Assunta, lumutang ang paninindigan ni Mommy Nette, at ‘yun ang hinuhulaan ng marami na naging dahilan kung bakit nagbabalik-loob sa kanyang pamilya ang nagpapaseksing aktres.
* * *
Ang naganap kina Assunta, Mommy Nette, Jules at Alessandra ay parang pelikulang paulit-ulit na naming napanood.

Aalis ang alibughang anak sa piling ng kanyang pamilya, kakalabanin ang mga taong nagmamahal at nagmamalasakit sa kanya, pero kapag nahimasmasan na’t nakapag-isip-isip ay babalik din naman sa mga taong sinaktan niya.

Dalawang-kamay namang muling tatanggapin ng pamilya ang nagpalalong anak, dahil sa katwirang maaaring itapon ng anak ang kanyang magulang, pero ang magulang ay hindi maaaring makatiis.

Ito ang literal na kuwento ng isang anak na ayon sa kanyang mga kapamilya ay pagkabait-bait, pero nang matutong umibig ay natutong lumaban.

‘Yun lang naman ang kaisa-isang mahigpit na kalaban ng mga magulang ng artista at ng manager, kapag puso na ng artista ang pinakialaman at pinanghimasukan.

Nasisira na ang iskedyul, nagrerebelde na, dahil ang gusto ay araw at gabi na lang na kasama ang nagpapaligaya sa kanya.

Kamakailan ay sinorpresa ni Assunta si Alessandra, ikinaligaya ‘yun ng mas nakababatang aktres, pero si Mommy Nette ay may matinding paninindigan pa rin.

Naaawa ito sa mga nagaganap ngayon sa buhay at karir ng kanyang anak, pero kailangan nitong itapal sa mukha ni Assunta na ang tama ay kinakampihan, pero ang mali ay tinutuligsa.

Kung ang pagdalaw ni Assunta kay Alex ay hindi matatawag na pagsuko ay wala na nga siguro kaming salitang mapipili-mapupulot sa diksiyunaryo kung paano tatawagin ang ganu’n kagandang aksiyon.

ALESSANDRA

ASSUNTA

JULES

JULES LEDESMA

KANYANG

MANNY VALERA

MOMMY NETTE

PAMILYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with