^

PSN Showbiz

Contract star na walang pelikula

DERETSAHAN - Arthur Quinto -
Pagkatapos niyang maipakilala sa pelikulang Live Show, halos hindi na nakalabas sa Regal Films na kumontrata sa kanya si Paolo Rivero. "Akala ko nga makakasama ako sa Treasure of Yamashita, hindi pala," sabi niya noong Martes. "At least, kahit contract star ako ng Regal, pinapayagan naman akong lumabas sa ibang company. Yon ang maganda sa kanila."

Malapit nang ipalabas ang Buko Pandan, kung saan magbubuko ang papel ni Paolo at magpapandan naman ang love interest niyang si Pyar Mirasol. "Naging close kami ni Pyar noong ginagawa namin ang pelikula. She’s nice, madaling makapalagayang-loob. Mahusay yung direktor namin, si Uro dela Cruz. Magaling siyang mag-motivate ng artista. May love scenes kami ni Pyar dito, pero hindi ako naghubad."

Katatapos din ni Paolo ng Talipandas, Ang Babaeng Walang Bukas sa FLT. "Three shooting days lang ako roon, isa sa mga lalaki ni Barbara Milano," impormasyon ng aktor na taga-Limay, Bataan. At bigla niyang sinundan ng, "Heto ako ngayon, walang project. Kung nandito lang sana sa Manila ang manager ko, siguro, mas marami akong project ngayon! Ang tagal-tagal ko na siyang hindi nakikita. Ni Hindi pa kami nagkakausap ni tito Jojo hanggang ngayon."

Medyo abala si Jojo Veloso bilang board member ng Biliran. "Naintindihan ko yon," sabi ni Paolo. "Kaya lang, sana magkaroon naman siya ng panahon sa mga talents niya. Kahit si Allen Dizon ngayon, hinahanap yung pag-aasikaso niya sa career namin. Yung physical presence niya ang kailangan. Yon ang importante para siya mismo, hanapan kami ng project."

Noong November 1, nagpunta ng Bacolod si Paolo dahil nandun yung bago niyang girlfriend. "One month pa lang kami," pagtatapat ng 22-anyos na aktor. "Hindi siya taga-showbiz. Saka na lang ako magsasalita tungkol sa kanya."

Plano ni Paolo na umuwi ng Bataan at mag-celebrate ng Christmas sa piling ng mga empleyado ng Bataan Hilltop Hotel sa Mariveles. Ang nasabing hotel ay isang family business.

"Pero bago mag-Pasko, plano kong mag-distribute ng konting regalo para sa mga streetchildren," patuloy niya. "Di ba, ang sabi nga nila, ang Pasko eh para sa mga bata? Eh ito yung mga bata na talagang kailangan ng kalinga kaya nga sila nagkakalat sa mga kalsada. Naaawa ako sa kanila. Hindi nila gustong magkalat at maghanapbuhay sa kalsada. Ang karamihan sa kanila, tinatakasan ang sarili nilang pamilya dahil hindi rin nila matatagalan ang kahirapan. Meron diyang binubugbog kaya lumalayas. Meron ding gustong magpalimos sa labas para kahit paano, makatulong sa pamilya. Ang problema lang, pag nasa labas sila, kung anu-anong impluwensiya ang nakakaharap nila, kaya nakikita natin sila kung minsan na sumisinghot ng rugby. Palagay ko, hindi kaya ng gobyerno na lutasin ang problema ng mga streetchildren, dahil kung kaya niya, eh bakit mas lalong dumarami taun-taon ang mga batang lansangan at batang yagit na nagkalat sa Metro Manila?"
*****
Maraming streetchildren ang nakita kong nanood ng Rey Salac Star Search sa Uniwide Coastal Mall noong Sabado. Ang dami kasing squatters na malapit sa nasabing mall sa lugar na yon sa Baclaran. "Gusto ko talagang magbigay-aliw sa lahat ng klase ng tao," sabi ni Rey mismo. Marami ang nagsipagpanood. "Third week pa lang namin ito," sabi niya, "at least, ngayon, dumarami na ang nagpapalista para sa singing contest. Last time, 6 contestants lang ang sumali, ngayon nadoble na, at karamihan, parang professional na."

Pang-masa ang ambience ng nasabing mall. May apat na sinehan na puwede kang makapanood ng tatlong pelikula sa halagang trenta pesos. Yon nga lang, yung mga pelikulang yon ay medyo luma na, mga ilang buwan nang naipalabas sa first-class theatres. "First time kong magtanghal dito ng show," sabi ni Rey, "at feeling ko, mas nagiging malapit ako sa masa."

Isang up-and-coming male singer at isang comedian, si Bokyo, ang naging host ng show samantalang si Rey Salac ay nagmamasid at nakikinig sa mga contestants. Siya na rin bale ang solo judge para sa mga contestants bagaman nang tawagin na niya ang 4 finalists, hinayaan niya ang audience na piliin sa pamamagitan ng mga palakpak ang dapat magwagi. Umabot hanggang alas-sais ng gabi ang show ni Rey.

Pinakanta rin ni Rey ang protegee niyang si Nolan Torres, 17, na tuwang-tuwa ngayon dahil nakasama siya sa pelikulang Di Kita Ma-Reach directed by Willie Milan. "Introducing ako dito," sabi ni Nolan. "Mabuti na lang at hindi muna natuloy yung singing engagement ko sa Japan, kung natuloy, eh di hindi ako nakasama sa pelikula?"

AKO

ALLEN DIZON

ANG BABAENG WALANG BUKAS

BARBARA MILANO

BATAAN HILLTOP HOTEL

LANG

NIYA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with