^

PSN Showbiz

Levi Celerio, oldest and active showbiz performer

KWENTONG SHOWBIZ - Ernie Pecho -
Malakas at mabikas pa ang National Artist na si Levi Celerio sa edad na 91. Nagkausap kami noong Martes at siya pa rin ang dating Mang Levi na makwento’t masiste.

Siyempre kahit maaari siyang magpakuwela, may halo pa ring mga himutok lalo’t ang pagkahirang na National Artist sa kanya ang usapan. Noon lang kasing administrasyon ng dating Pangulong Fidel Ramos iginawad sa kanya ang tanging parangal na ito para sa mga pinakatatanging artistang Pinoy.

"Maraming pera ang nawala sa akin," reklamo ni Mang Levi. Ang ibig niyang sabihin kung naging National Artist siya nang mas maaga– kahit noong panahon pa ni Pang. Ferdinand Marcos ay very deserving na siya–nagsimula na ang buwanang pensyon sa kanya na P10,000.

Kung tutuusin ay maliit na halaga na ngayon ang P10,000 sa isang buwan bilang pabuya o pakunswelo sa mga National Artists na napakalaki at panghabang-panahon ang naibigay sa kulturang Pilipino. Lalo pa ngayon na paliit nang paliit ang halaga ng piso.

Para kay Mang Levi, malaking tulong na rin ang P10,000 bawat buwan, pero higit na makapagbibigay ginhawa kung daragdagan sa pagsusog sa dating batas tungkol sa mga National Artist.

Sa mga nahirang na National Artist, maaaring si Mang Levi lamang ang walang sariling kotse, o kahit owner na jeep man lamang. Kaya sa kanyang paglalakad sa mga recording companies upang mangolekta ng mga royalties para sa kanyang mga sinulat na kanta, namamasahe lamang siya.

Upang magkaroon pa rin ng steady income, kailangan pa rin niyang magtanghal sa ilang venues sa Quezon City at least dalawang araw ‘sanglinggo. Baka maaari na nga siyang ilagay sa Guinness Book of Records bilang pinakamatandang active showbiz performer. Dapat siguro ay kumbidahin ang isang taga-Guinness upang mapanuod ang hanggang ngayon ay kwelang show niya. Tuloy maipakita ang lahat ng mga dokumentong magpapatunay ng edad niya.

Kung ang Apo Hiking Society ay mahigit tatlong dekada na sa pagiging aktibong performers, baka si Mang Levi ay naka-pitong dekada na!

Kahit siguro si Imelda Papin na Reyna ng Masa, magreretiro na pagsapit ng sitenta o otsenta anyos.

Kaya aktibong-aktibo pa rin ngayon si Mang Levi ay dahil mahigpit ang pangangailangan niya. Siya mismo ang nagsasabi: "Marami akong pinayaman, pero ako hindi yumaman." Sa rami ng likhang-awit niyang naging hits at mga pop classics na hanggang ngayon ay nagkakaroon pa ng mga bagong versions, marami nga ang nakinabang o nakikinabang mula sa mga singers hanggang record producers; pati na ang mga pirata!

"I know God created me not to be comfortable, but to be a comforter," sabi ni Mang Levi na puno ng resignation. Tunay na isang "comforter" siya dahil milyung-milyong mga Pilipino na ang binigyan niya ng kasiyahan at mga panibagong pag-asa mula sa kanyang mga kanta.

Dahil curious lang ang mga babaeng nakikinig sa ‘min, tinanong ko siya kung aktibo pa rin ang kanyang sex life sa edad na 91. Hindi naman niya diniretso ang tugon dahil siguro medyo nahihiya sa mga chicks na nakikinig. Pero maganda pa rin ang sagot niya.

"Ang tao kahit ilang taon ng hindi umiiyak, hindi nawawala ang mga tear ducts sa mga mata. Kaya pag dumating ang isang pagkakataon na sobrang tuwa o lungkot na dapat umiyak, tutulo pa rin ang luha." Sa biglang segue niya sa sex, ang tanging nasabi niya, "hindi nagme-menopause ang mga lalaki."

Sa mukha naman ng National Artist ay mababakas ang tunay na kaligayahan. Kahit sabihin pang medyo salat si Levi Celerio sa ilang materyal na bagay, mayamang-mayaman naman siya sa mga higit na mahalagang biyaya ng Diyos na hindi mabibili ng pera.
* * *
Ang mga anak ni Levi Celerio at ang kanyang mga kaibigan ang nakakaalam kung gaano kakulay ang buhay ng tunay na artista. Hitik ito sa mga naiibang karanasan na maaaring gawin kahit tatlo pang pelikula.

Ganitong mga materyal sana ang napagtutuunan ng pansin ng mga film o TV producers. Kundi kasi pelikula, puwedeng maging isang television series ang isang The Levi Celerio Story.

Bakit nga kaya kundi bandido o bandida ang kasaysayan, ayaw pansinin?
* * *
Kung sino man ang artistang lalabas kung isapelikula man ang Rosebud Diary siguradong ito na ang katapusan ng kanyang career. Naalala ba ninyo ang nangyari kay Alice Dixson sa pagpapel na Jessica Alfaro? Di ba maraming pumigil sa pagpapalabas ng movie.

Naipalabas nga ito pero marami nang tinanggal na key scenes at tuluyang nawala sa eksena si Alice.

Kung magkakaroon nga ng pelikulang Rosebud, kahit milyones pa ang ibabayad sa aktres na gaganap ng title role, kapalit naman nito ang kanyang career... at puwede rin ang kanyang buhay.

KAHIT

KANYANG

KUNG

LEVI

LEVI CELERIO

MANG LEVI

NATIONAL ARTIST

RIN

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with