^

PSN Showbiz

Libel, sukatan ba ng kasikatan ng writer?

THE YOUNG CRITIC - THE YOUNG CRITIC ni Jennifer Miranda -
May kasabihan na hindi raw tunay na ganap o kumpleto ang iyong career o propesyon bilang isang entertainment writer kung hindi ka pa nadedemanda sa salang libel. Kaya siguro iyong iba, pilit na pilit magkaroon ng libel cases kaya kung anu-ano ang sinusulat nila na inaakala nilang maghahatid sa kanila ng ganoong suwerte o kamalasan. Ang sinasabing libel king ngayon ay ang isang writer ng isang tabloid na kung sinu-sino ang nakakaaway ngayon sa showbiz. Pangunahin na yata si Judy Ann Santos at Sharon Cuneta.

Noong araw daw, ang pinakamaraming libel cases, mahigit daw isandaan, ay si Franklin Cabaluna. Pero iniwan na yata niya ang entertainment at showbiz at hinarap na niya ang straight reporting at editor siya ngayon ng isang malawak na pahayagan. Ang isa pang napabalitang libel case na napanalunan ni Richard Gomez ay iyong laban kay Isah Red ng Manila Standard. Pero ang hatol naman ng korte ay napaka-minimal kaya ang maaari na lamang sabihin ni Richard sa kanyang kaso ay siya ay nanalo.

Nagkaroon din ng libel case si Armida Siguion-Reyna kay Fundador Soriano, pero nag-apologize ang writer kaya hindi na itinuloy ni Armida ang kaso. Ganoon din ang nangyari sa kasong libel ni Armida kay Manoling Morato. Pinatawad na rin ni Tita Midz si Manoling hanggang isinampa at bago pa man matapos ang kaso.

Ngayon naman ay ang sikat na aktres na si Rosanna Roces ang siyang sinampahan ng kasong libel ng controversial personality na si Jojo Manlongat. Dahil umano ito sa pagtawag sa kanya ni Rosanna sa show nitong Startalk na isa siyang carnapper. Pero ayon na rin kay Osang, imbes na matakot ay natuwa pa umano siya dahil nasampahan siya ng kasong libel. Ang ipinagtataka nga lamang daw niya ay kung bakit siya lang ang kinasuhan. Hindi siya nakasipot sa preliminary investigation ng kaso pero ngayong araw na ito ay tiyak na ang kanyang pagdalo at magsasampa rin siya ng counter charges laban kay Manlongat.

Ewan ko lang kung bakit kailangan ang kaso ng libel ang maging sukatan ng kasikatan ng isang writer. Inaakala ko na ang dapat maging sukatan ng isang writer ay ang kanyang katapatan at husay sa paglalahad ng mga bagay-bagay sa mga artistang sinusulat niya na tama at totoo kung kontrobersyal man at hindi nakakasirang-puri kung intriga man. Pero iyon nga, parang kalakaran na sa showbiz o entertainment industry na mas matitindi ang intriga at mas malalalim ang kontrobersiya, mas patok sa mga mambabasa ng tabloid at magazine.

Sa aking experience, wala pa naman akong naisusulat na naging libelous sa taong kinauukulan. Pero natatandaan ko na sinulatan ako noon ni Dante Jimenez ng VACC na nanghihingi ng paliwanag tungkol sa sinulat ko tungkol sa Gil Portes at sa Joro-Joro case na ginawa nilang isang pelikula. Pero nang magpaliwanag ako na sinulat ko din dito ay wala na akong narinig na ano pa mang reklamo.

Sa mga fans siyempre, pag ikaw ay nakakapintas, halimbawa, pinintasan mo si Judy Ann o kaya si Claudine Barretto, agad-agad may mga hukbo ng fans na magre-react agad at ikaw ay susulatan at pagbabantaan, mumurahin at magsasabing ikaw ay sasaktan kapag ikaw ay nakita. Sinasabi na lang sa akin ng ibang manunulat na karaniwan na lamang iyon, basta huwag mong makakanti ang kanilang idolo at magre-react ang mga fans ng ganyan.

Kung minsan, ang mga fans ay walang katwiran, halimbawa sabihin mong hindi magandang arte ng kanilang idolo o hindi masyadong kumita ang kanilang pelikula, agad-agad mayroong reaction ang mga fans na hindi mo akalaing ganoon ka-violent. Pero kung tatawagin mo ang isang artista na masamang tao o walanghiya o kung anu-anong uri ng mura, eh iyon ay parang tiyak naman na pambabastos at talaga namang sa palagay ko ay libelous.

May nabasa ako na isang interview daw ni Ewan McGregor, ang bidang lalake sa Moulin Rouge, ay binabatikos niya ang sistema sa Hollywood na parang kinakategorya ang mga artista na class A, class B, class C na naaayon sa kanilang capability na mag-akyat ng pera para sa mga producers. Ito daw ay parang nakakapagpababa ng dignidad ng isang aktor na masabing ikaw ay nasa unang ranggo o pangalawang ranggo, dahil lang sa malakas iyong pelikula o hindi. Maski saan naman yatang movie industry sa buong mundo, iyan na rin ang nakagawian. Halimbawa dito sa atin, sinasabing nauuna pa si Cesar Montano sa billing sa panahong ito maski na kay Boyet de Leon dahil si Boyet ay hindi nag-aakyat ng ganoong kalaking pera ngayon sa isang producer katulad ni Cesar.
*****
Email: [email protected]

ARMIDA

ARMIDA SIGUION-REYNA

BOYET

ISANG

KUNG

LIBEL

PERO

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with