^

PSN Showbiz

Playgirl ba si Anne?

DERETSAHAN - Arthur Quinto -
Sa kalipunan ng mga female young stars ngayon, namumukod ang talento at kagandahan ni Anne Curtis. Dahil nakakamagneto ang kanyang ganda at sweetness, ang daming may crush sa kanya. Ang dami niyang manliligaw, taga-showbis at hindi taga-showbis. Dahil dito, binabansagan siyang "playgirl" na talagang itinatatwa niya.

"I don’t consider myself a playgirl," diin ni Anne sa set ng Kasangga sa episode na pinagbibidahan niya, "Dalagita, Pinatay ng Adik" sa direksyon ni Maryo delos Reyes, noong Miyerkules ng gabi.

"Bakit nila iisipin na playgirl ako, eh hindi naman nila ako kilala? Kung ’yon ang tingin nila sa akin, I can prove to them that I am not. Sabi nga ng daddy ko, may mga tao talaga na kahit ano’ng gawin mo, ayaw nila sa iyo, kaya tanggapin mo na lang.

"I am only 16 at dahil ang daming nanliligaw sa akin, playgirl na ang tingin nila sa akin. I am just entertaining my suitors. I am not fooling around with their feelings or anything. I am just befriending them. Dahil ba ayoko sa isang tao, hindi ko na puwede siyang maging kaibigan? Nakaka-flatter din na kahit paano, malalaman ko na may crush sila sa akin."

Nasa listahan ng mga manliligaw ni Anne sina Chubi del Rosario, Cogie Domingo, Jolo Revilla at Oyo Boy Sotto. Pero sabi niya, "Ang talagang nanliligaw sa akin, si Oyo lang. ’Yung iba, nababalitaan ko na may crush lang. Si Oyo, he’s very nice, he’s very sweet. He’s very sincere and patient. Seven months na siyang nanliligaw."

Binibigyan ba niya ito ng pag-asa? "Hindi ko siya pinapaasa. Tinitingnan ko lang kung he’s worth it. Tahimik siya pero nakikita ko sa mata niya yung sincerity niya."

Hindi ba siya naalarma na tulad ng tatay ni Oyo Boy na si Vic Sotto na kilalang babaero, baka nagmana ito ng ganung katangian? "Ang dami ngang nagsasabi sa akin na, ‘Mag-ingat ka diyan. Mamaya, lolokohin ka lang niyan!’ Kaya nga, tingnan natin. Kung love niya ako talaga, makakapaghintay siya."

Pero ano ba ang feeling niya talaga para sa anak ni Vic at Dina Bonnevie? "Hindi naman siguro love. Kasi, ang bata-bata ko pa, para sabihing mahal kita."

Bilang teenstar in the threshold of love, ano ba ang katangian ng isang lalake ang magpapalapit sa puso niya? "First of all, kailangan, ipakita niya talaga sa akin na he’s very, very sincere and sweet. Gusto ko sa lalake, yung sobrang malambing. ’Yung magpadala siya ng simple message like "take care" or "eat your dinner," okey na."

Si Anne Ojales Curtis ay ipinanganak at lumaki sa Yarrawonga, New Melbourne, Australia. Australian ang tatay, Pinay ang nanay. May mga kapatid na Australians si Anne sa father side. May isa siyang kapatid sa mother side. Matapos mamatay ang unang kabiyak ng nanay niya at makipag-divorce sa Australian wife niya ang tatay niya, doon nagkita ang magulang niya, at sila ngang tatlo ang naging bunga: Anne, 16, Jazmine Cassandra, 7, at Thomas James, 3. Lawyer ang tatay ni Anne at sa Australia nagpa-practice ng law. "Proud ang Dad ko sa pagpasok ko sa show business. ’Yung bunso namin, commercial model na rin. Nalulungkot ang Dad ko sa Australia. Gusto niya, pumunta muna kami doon. Pero every six weeks, nandito naman siya sa Pilipinas."

Si Anne ay natuklasan habang kumakain sa Jollibee, Boni. "Sa Mandaluyong kasi kami nakatira. May lumapit sa amin ng mommy ko, isang talent scout, inaalok akong maging commercial model. That was 1996 and I was 11- 1/2 years old then. ‘Hindi puwede ang anak ko dyan!’ sabi ng mommy ko. But then, I told her later, pagkatapos iabot nung talent scout yung calling card niya, ‘Why don’t we give it a try?’ Kasi, gusto ko talagang maging commercial model like sa Guess."

Mula sa pagiging model, nagbukas ang pinto ng show business sa kanya. Pinapirma siya ng Viva Films ng limang taong kontrata. Introducing siya sa Magic Kingdom bilang prinsesa. Pero napansin ang acting niya sa pelikulang Kapitulo Trese bilang batang possessed. Nang mauso ang love teams, ipinareha siya kay Chubi del Rosario. "Si Chubs, talagang best friend ko yan, forever. Naging close kami dahil sa trabaho. Nagkaroon ng time na naging crush namin ang isa’t-isa. Pero mas inisip ni Chubi yung friendship namin. Dumating din kami sa point na hindi kami nagpapansinan. Away talaga, pikunan."

Kitang-kita ang sigla ng kabataan kay Anne. Pag siya’y natatawa, pati mga mata ay nakikitawa. Masarap siyang kausap at sa kanyang edad, masisinag ang katalinuhan. "I am now studying at the Angelicum College, third year high. Tinitingnan ko ang mga classmates ko, nag-aaral lang sila. Ako, nag-aaral at nakaka-act at the same time. Ang dami kong napupuntahang lugar na hindi ko akalaing mararating ko. Ang dami kong nagiging experiences. Show business is education in itself. It teaches you a lot. Basta ako, enjoy lang ako nang enjoy. At hindi dahil lang sa isang tsismis, magpapa-affect ako. Masisira lang ang career ko. Basta ako, happy sa ginagawa ko."

Isang taon na lang at matatapos na ang kontrata niya sa Viva. Hanggang ngayon ba ay wala pang plano ang Viva na bigyan siya ng launching picture?

"Hindi naman po ako nagmamadali," sabi niya. "Ayoko namang sabihin sa kanilang, ‘Bigyan ninyo ako ng maraming projects, bigyan ninyo ako ng pelikula, bigyan ninyo ako ng regular TV show.’

"Sabi ng Daddy ko, ‘It’s better to take things slow and enjoy every step of its instead of taking things fast, tapos, you’re there, just for a moment at tapos, biglang mawawala."

Kung bibigyan ng pagkakataon, ano ang dream role ni Anne? "Gusto kong lumabas bilang isang sirena. Parang si Dyesebel pero the Little Mermaid ang dating. ’Yung wholesome na sirena ang gusto ko, hindi yung pa-sexy," pagtatapos niya.

vuukle comment

AKO

ANNE

CHUBI

LANG

NIYA

PERO

SIYA

YUNG

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with