^

PSN Showbiz

Giovanni Calvo: isang success story

-
Mga ilang taon pa bago magsara ang Sampaguita at VP Pictures ng pamilya ni Dr. Jose Perez, nang biglang pumasok sa eksena si Giovanni Roldan Calvo. Nagsusulat siya noon sa "Philippines Herald" at sa mga tabloids.

Ang balita pa ay naging janitor muna siya sa nasabing dating broadsheet, habang nag-aaral, at nabigyan nga siya ng tsansa na magpakitang gilas bilang movie reporter.

Dahil nga sa ethnic "beauty" ni Vanni, may ilang mga kasama sa hanapbuhay na totoong nililibak, inaalipusta, pinagtatawanan, at iniiwasan siya kapag umeeksena na sa mga presscons at ibang showbiz functions.

Ang maganda kay Vanni, hindi niya pinansin ang mga pang-uuyam sa kanya. Sa halip ay nagsikap siyang mabuti upang magawa ng maganda ang kanyang trabaho. Makikita si Vanni na palaging may hawak na tape recorder, habang kausap ang mga artista; at nakataas naman ang kilay at kuntodo irap sa kanya ang ilang kasamahang hindi talaga ma-take ang angking alindog ng "dalagang" Romblomanon. Dedma lang ang Calvo sa lahat ng pagmamaltrato at parinig na masasakit na salita sa kanya.

Kaya kami agad naging close ni Vanni ay ako ang isa sa mga kapatid niya sa hanapbuhay na talagang naging komportableng kasama at kausap siya. Noon pa mang Doc Perez days ay naging confidante na ako ni Vanni. Sandaling naputol ang aming pagiging magkaibigan nang biglang nawala sa eksena si Vanni. Ang tsismis, pumasok sa seminaryo at tinangkang magpare. Nagkaroon siyang bigla ng vocation na maging isang alagad ng Diyos. Hindi naman ako makapaniwalang sumuko siya dahil sa intriga dahil likas ang pagiging matapang at fighter ni Vanni. Ang mga ugaling ito ay maaaring namana niya sa kanyang magiting na ina, na lider ng mga militante/aktibistang kababaihan sa kanilang lugar. Isang modern-day Gabriela Silang si Mrs. Calvo, kung baga.

Hindi na ako nagulat nang masalubong ko siya sa Avenida Rizal na nakaputing abito ng isang Catholic monk at talagang mukhang banal na tinalikdan na ang lahat ng kamunduhan. Ilang panahon pa lumabas na rin siya sa seminaryo at hindi naging isang ganap na pare.

Balik showbis si Giovanni Calvo, and that time really with a vengeance. Namayagpag talaga siya ng husto, hanggang maging isang daily columnist pa ng "People’s Journal." Ang hindi alam ng marami, tapos na ng kanyang master’s degree in Linguistics si Vanni noon. Nakapagsulat na rin siya ng ilang reference books na pang-high school at naging editor pa siya ng isang Current Events Digest.

Habang nasa "People’s Journal," binuno naman ni Vanni ang kanyang Doctorate degree, na natapos naman niya with flying colors. Lahat ng mga ito ay may pruwebang totoo dahil nakita ko mismo ang mga scholastic records niya, na pawang matataas ang grade na ang katumbas ay–Excellent.

Ang kanyang column na "Eksena" ay naging sikat na sikat at naging over-all No. 1 columnist of the country si Vanni, ayon sa mga media survey. Nilampasan niya pa ang rating ng pinakasikat na columnist of all time na si Ka Doroy Valencia.

Isa na talagang household name si Vanni nang bigla na naman siyang maglaho. Nakabangga niya ang kanilang editor-in-chief kaya’t at the height of his popularity iniwan niya ng walang kaabog-abog ang kanyang toprated column.

Naging radio personality naman siya at naka-attract ng milyon-milyong listeners. Di mabilang sa rami ang kanyang mga araw-araw na tagasubaybay, kaya’t nang dalhin sa TV, sa Channel 7 ang Katok Mga Misis nag-click agad.

Tulad ng nasa Journal pa siya, isang prinsipyong muli ang pinaglaban ni Vanni kaya’t napilitan siyang umalis sa show, patuloy na ang pagtaas ng rating nito.

Nag-concentrate na lang siya sa radio, habang sumusulat pa rin ng ilang columns at nagtuturo ng journalism sa ilang kolehiyo.

Matagal na panahon ang pagtatrabaho sa media ni Vanni, maaaring nakaipon na siya ng milyones, dahil likas sa kanya ang pagiging Madam Curie (o kuripot).

Kuwento nga ng kanyang mga kasama sa bahay, dahil sa pagtitipid ni Vanni, hindi ito naging maluho sa pagkain. Kahit sabihin pang malakas kumita, kuntento na siya sa simpleng galunggong ang ulam. Ang biro nga sa kanya ng mga kasambahay lahat na ng klase ng luto sa galunggong natikman na lahat tulad ng prigals (pritong galunggong) pangat na galunggong, sinigang na galunggong, ginataang galunggong at paksiw na galunggong.

Makapagpapatayo ba ng sarili niyang kolehiyo sa Romblon si Vanni at makabibili ng isang unit ng condominium kundi dahil sa katipiran at sobrang kasipagan?

Kahit araw ng Sabado’t Linggo nagtatrabaho siya. Almost the whole year round, nagbibigay siya ng seminar tungkol sa pagsusulat ng film script, movie column at article, komiks strip at iba pang linya ng mass communication. Halos talagang hindi siya nag-enjoy ng goodtime sa kanyang weekends.

At kung meron pang isang personalidad na pinakamamahal ng mga "gaca" o mga gatecrashers" ito na nga si Vanni Calvo. Noong buhay pa kasi siya, si Vanni ang tagapagtanggol ng mga "gaca". Siguro dahil minsan ay naranasan na rin ni Vanni ang ituring na gatecrasher, kahit sabihin pang kumbidado naman siya sa mga okasyong pinuntahan niya. Ang pakiramdam na "gaca" ay naitanim niya sa isip niya dahil hindi nga siya matanggap ng ilan nating kasamahan na maaaring insecure lamang sa lakas ng kanyang dating o sa angkin niyang tagong alindog.

Sa haba ng mga taong pinagsamahan namin, mahigit isang libro ang maisusulat ko tungkol sa kanya. Sino ba naman ang makakalimot sa beauty ng isang Giovanni Calvo ng una siyang magpa-noselift. Pati si Nora Aunor ay napahiyaw ng ubod lakas nang mapagsino ang kaharap niyang matagal, tinitigan bago nakilala.

Tanong pa ni La Aunor noong Paskong ‘yon sa bahay niya, "Ano ang ginawa mo sa mukha mo’t gumanda ka ng ganyan?"

Ako naman hinding-hindi ko maitatanong kay Vanni kung ano ang ginawa niya sa buhay niya. Sigurado kasi ako sa sagot: Maganda, magandang-maganda.

GIOVANNI CALVO

ISANG

NIYA

SIYA

VANNI

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with