^

PSN Palaro

Gilas Pilipinas aabangan sa 2025

Chris Co - Pilipino Star Ngayon
Gilas Pilipinas aabangan sa 2025
Gumawa ng ingay ang Gilas Pilipinas sa international scene kabilang na ang malalaking panalo nito kontra sa mga world-class teams.

MANILA, Philippines — Sa ganda ng inilaro ng Gilas Pilipinas sa taong 2024, posibleng inaaba­ngan na ito sa mga susunod na international tournaments na lalahukan nito sa 2025.

Gumawa ng ingay ang Gilas Pilipinas sa international scene kabilang na ang malalaking panalo nito kontra sa mga world-class teams.

Sinong makalilimot sa paggulantang ng Gilas Pilipinas sa world No. 6 Latvia sa FIBA Olympic Qualifying Tournament na ginanap noong Hulyo sa Riga, Latvia.

Itinarak ng Pinoy ca­gers ang impresibong 89-80 panalo kontra sa host Latvia para masiguro ang pag-entra sa semifinals ng Olympic qualifiers para sa Paris Games.

Ito ang unang pagkaka­taon sa loob ng mahigit anim na dekada na nagwagi ang Pilipinas sa isang European country — at nasa Top 5 pa sa world rankings.

Subalit bigo ang Gilas Pilipinas na makapasok sa 2024 Paris Olympics matapos matalo sa Brazil sa iskor na 60-71 sa semifinals.

Gayunpaman, mala­king karangalan na ito para sa bataan ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone dahil sa respetong natatanggap ng tropa sa world stage.

Maliban sa Olympic qualifiers, mainit na si­nimulan ng Gilas Pilipinas ang taon sa FIBA Asia Cup 2025 Qualifiers first window matapos magtala ng dalawang sunod na panalo noong Pebrero.

Inilampaso ng Gilas Pilipinas ang Hong Kong sa iskor na 94-64 sa larong ginanap sa Hong Kong kasunod ang pananaig sa Chinese-Taipei, 106-53, na ginanap sa Maynila.

Sa second window ng qualifiers noong Nob-yembre, muling bumanat ang Gilas ng impresibong panalo.

Isa na rito ang matikas na panalo ng Pinoy squad sa New Zealand sa iskor na 93-89 kung saan nagtala ng solidong laro si 7-foot-3 slotman Kai Sotto na may double-double na 19 puntos at 10 boards kasama pa ang pitong assists, dalawang steals at dalawang blocks.

Binugbog din ng Gilas ang Hong Kong, 93-54, para masiguro ang ikaapat na sunod na panalo.

Wala pang talo ang Gilas tangan ang 4-0 karta na siyang awtomatikong nagbigay sa tropa ng silya sa FIBA Asia Cup 2025 proper na gaganapin sa Agosto sa Jeddah, Saudi Arabia.

Walang duda na ma­ganda ang itinatakbo ng programa ng Gilas sa ilalim ng pamumuno ni Cone.

Kaya naman inaasa­hang mas lalo pang magi­ging mabagsik ang Gilas sa susunod na taon dahil sa maayos na coaching staff at solidong lineup.

SPORTS

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with