^

Punto Mo

EDITORYAL — Road rage

Pang-masa
EDITORYAL � Road rage

 

MAY nasayang na namang buhay dahil sa road rage o away sa kalsada. Sa kabila ng mga paalala sa drayber na maging mahinahon habang nagmamaneho, may mga natatangay pa rin nang biglaang galit na humahantong sa pag-aaway at pagkitil ng buhay.

Namatay na ang motorcycle rider na binaril ng isang businessman dahil sa gitgitan sa kalsada noong Linggo (Marso 30) sa Antipolo City. Tatlo ang nasugatan sa nasabing insidente kabilang ang girlfriend ng suspek.

Ayon sa report, galing sa isang resort ang suspek at pamilya sakay ng itim na SUV nang maganap ang insidente. Nakagitgitan umano ng suspek ang isang grupo ng riders. Nagtalo sila hanggang sa mauwi sa suntukan. Pinagtulungan ang suspek ng tatlong ­riders. Binunot ng suspek ang kanyang baril at pinaputukan ang nakaaway na riders. Tumakas ang suspek sakay ng SUV pero nahuli rin agad ng Antipolo police. Humingi ng tawad ang suspect at sinabing natangay siya ng init ng ulo.

Noong Marso 27, isang pulis ang namaril ng ­nakagitgitang motorista sa Tandang Sora Avenue, Quezon City. Napatay ng pulis na nakilalang si Master Sgt. Randy Tuzon ng QCPD, si Ronnie Borromeo, 42, ng Valenzuela City. Maraming beses pinagbabaril ni Tuzon si Borromeo at patay na nang dalhin sa ospital.

Noong Mayo 28, 2024, nagkagitgitan din ang mga sasakyan ng isang negosyante at isang family driver habang nasa Ayala tunnel Makati sa EDSA. Binaril ng negosyanteng si Gerard Raymund Yu ang sasakyan na minamaneho ni Aniceto Mateo, 65. Lumusot ang bala at tinamaan si Mateo sa kanang balikat na lumusot sa leeg. Isinugod si Mateo sa ospital pero namatay din. Kinabukasan, naaresto si Yu sa bahay nito sa Pasig. Narekober sa kanya ang baril na ginamit. May lisensiya pero hindi ito dapat inilalabas ng bahay.

Noong Hulyo 2016, binaril at napatay ng may-ari ng kotse ang isang siklista sa P. Casal St., Quiapo, Maynila dahil din sa gitgitan. Nagtalo ang dalawa na humantong sa suntukan. Natalo sa suntukan ang may kotse. Kinuha nito ang baril sa kotse at binaril sa ulo ang siklista. Nakilala ang biktima na si Mark Vincent Geralde at ang bumaril sa kanya ay si Vhon Martin Tanto. Tumakas si Tanto pero naaresto at na-convict. Habambuhay ang hatol sa kanya.

May inihaing panukalang batas sa Kongreso—ang Anti-Road Rage Act, na magpaparusa nang mabigat sa masasangkot sa road rage. Subalit hanggang ­ngayon, wala pang balita ukol dito. Ano nang nangyari sa panukala? Nararapat itong ipasa upang magsilbing babala sa mga masasangkot sa road rage.

Maghigpit din naman ang Philippine National Police sa pagbibigay ng lisensiya ng baril sa sibilyan. Maraming gun owner ang lumalabag sa batas. Kahit na hindi puwedeng ilabas ng bahay ang baril, dinadala ito kaya nagiging malakas ang loob na makipag-away sa kalsada. Sa kaunting gitgitan, namamaril na.

ROAD RAGE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with
-->