Mayang (182)
“KUNG hindi kayo dumating ay baka patuloy ang pananaginip ko na magkatabi raw kami ni Encar sa higaan at nagkukuwentuhan. Malinaw na malinaw talaga ang panaginip ko. At eksakto ang panaginip ko sa araw ng kanyang kaarawan,’’ pagkukuwento ni Lolo Nado kina Jeff at Mayang.
Hindi makapaniwala sina Jeff at Mayang sa ikinuwento ni Lolo Nado. Hindi ito nagsisinungaling sapagkat makikita sa kislap ng mga mata nito ang katotohanan ng sinasabi.
“Yun ang una kong panaginip na kasama si Encar. Siguro ay talagang nagpakita siya sa panaginip para maipadama na mahal pa rin niya ako kahit nasa kabilang buhay na. Hindi siya nakalilimot sa kabila na matagal na siyang wala sa piling ko.
“Naalala ko pa ang masasayang sandali ng pag-iibigan namin ni Encar. Niligawan ko siya. Marami akong karibal sa panliligaw sa kanya. Siya ang pinakamagandang dalaga sa nayon kaya lahat ng mga binata ay umaakyat ng ligaw.
“Natatandaan ko na maraming binata ang nanghaharana sa kanya. Usung-uso noon ang harana. Pero sa dinami-dami ng manliligaw niya, ako ang kanyang napili. Masayang-masaya ako nang sagutin ni Encar.
“Nangako ako sa kanya na siya lamang ang babaing mamahalin. Wala nang iba sa aking puso. Kahit lumipas ang panahon, walang makakapalit sa aking puso.
“Nang ikasal kami, maligayang-maligaya ako. Sa ginawa kong bahay kami umuwi pagkatapos ng kasal.
“Bagama’t hindi kami nagkaroon ng anak, hindi iyon nakabawas sa aming pagmamahalan. Lalo pang naging matamis ang pagmamahalan namin.
“Talagang mahal na mahal ko siya. Hindi kami nagkahiwalay o nagkalayo man lang. Kung nasaan siya ay naroon din ako. Kapag nag-aararo ako sa bukid ay naroon din siya at nagtatanim ng mga gulay. Kapag nagtatabas ako ng damo sa pilapil ay naroon din siya at nag-aalis ng mga insekto sa tanim niyang gulay.
“Kapag uuwi na kami sa hapon ay magkahawak ang aming mga kamay habang naglalakad. Masayang-masaya kami.
“Kapag Linggo naman ay hindi namin nakakalimutan na magsimba. Sabi niya minsan sa akin, kung sino raw ang mauunang mamatay sa amin ay huwag makakalimot na dalawin ang puntod.
“Nangako ako sa kanya na hindi makakalimot at ganundin naman siya. Kaya ngayong nauna siyang namatay, hindi ako nakalilimot.’’
Itutuloy
- Latest