Bilog ang bahaghari!
Isa sa nakakamanghang tanawin sa kalikasan na namamalas natin mula sa pagkabata natin hanggang pagtanda ang bahaghari na sa unang tingin ay isang arko ng mga kulay na binubuo ng pula, orange, dilaw, berde, asul, indigo at biyoleta. Batay sa turo ng siyensiya, isa itong tila laro ng mga patak ng tubig-ulan, liwanag ng araw at hangin na kinasasangkutan ng tinatawag na refraction at reflection.
Sa katotohanan, bilog ang kabuuang anyo ng bahaghari. Ang anyo nito sa ating paningin ay depende sa kinalalagyan natin. Kung nasa mababang lugar ka, mistulang arko ang itsura nito dahil ang kalahating bahagi lang nito ang ating natatanaw (hinaharang ng lupa ang natitirang kalahati) pero maaaring makita ang kabuuan nitong bilog na anyo kung nasa himpapawid, nasa ibabaw ka ng mga ulap o nakasakay sa eroplano o nasa mataas na bundok.
Dahil nga bilog, wala itong unahan at duluhan. Pinasisinungalingan nito ang alamat na merong palayok ng ginto sa dulo ng bahaghari.
Sinasabi pa sa agham na isang optical illusion lang ang bahaghari. Hindi ito malalapitan o mahahawakan. Hindi siya pisikal na bagay. Nabubuo lang siya sa ating paningin. Karaniwan lumilitaw ito sa kanluran tuwing umaga o magtatakipsilim o pagkatapos bumuhos ang ulan o bagyo, nasa likuran mo ang araw at ang itsura nito ay depende sa iyong kinaroroonan.
Nababanaagan din ito sa kapaligirang may fog, spray o waterfalls. Kadalasan din itong makikita kapag summer. Mahirap naman itong makita sa mga lugar na merong winter dahil hinaharang na dito ng niyebe ang liwanag ng araw.
Maaari ring lumitaw sa gabi ang bahaghari pero, kung baga sa Ingles, moonbows na ang tawag dito. Hindi na rainbow. Nabubuo ang moonbows kapag sinasalamin ng patak ng tubig-ulan ang liwanag ng buwan pero malabo ito kung titignan. Puti ito o walang kulay. Nagkakakulay lang ito kapag ganap na napakaliwanag ng buwan sa madilim na kalangitan.
Sa solar system, ang Daigdig lang ang merong bahaghari bagaman may paniniwala ang ilang mga astronomer na posibleng meron ding rainbow sa Titan na isang buwan ng planetang Saturn dahil sa wet surface, humid clouds nito at nakikita rin mula sa Titan ang Araw kaya meron itong mga sangkap para makalikha ng bahaghari.
Karaniwang matatanaw ang bahaghari nang kulang-kulang sa isang oras. Itinuring na pinamakatagal na bahagharing nakita nang walong oras iyong nasa bundok ng Taipei, Taiwan noong 2017.
Itinuring ding rainbow capital of the world ang Hawaii dahil sa dami at dalas ng nakikita ritong mga bahaghari.
Matagal nang namamataan ang mga bahagharing ito na mula pa noong sinaunang panahon. Naging bahagi na ito ng iba’t ibang kultura sa mundo pero, sa pangkalahatan, naging simbolo ito ng pag-asa. Marami itong pakahulugan. Bawat dumarating na bagong araw ay bagong simula.
Lahat nang bagay ay nagbabago. Merong pangako ang bukas. Kailangang magpatuloy ang buhay ano man ang kinakaharap na mga hamon o pagsubok. Maganda sa pakiramdam ang makakita ng bahaghari. Nakakatuwa.
Nakakapagpaibsan ng kalungkutan. Nagpapaalala ng magagandang bahagi ng buhay sa kabila ng mga problema. Tila matulain ang pagpapakita nito tuwing matatapos ang ulan o bagyo na parang nagtuturo na lahat ng bagay ay merong katapusan at nagkakaroon ng pagbabago. Hindi dapat nawawalan ng pag-asa.
-oooooo-
Email: rmb2012x@gmail.com
- Latest