EDITORYAL - Sundin ang nakararami

MAS marami ang pabor sa PUV Modernization Program (PUVMP) kaysa sa mga tutol. At kung sino ang marami, ito ang dapat masunod. Ibig lamang sabihin, gusto ng pagbabago nang nakararami. Ayaw na nila sa nakagisnan na may masamang idinudulot sa kapaligiran na apektado rin ang kalusugan ng mamamayan.
Pero para sa chairman ng transport group Manibela, hindi pa sila handa sa PUVMP at dapat pang pag-aralan ng pamahalaan ang ukol dito. Ang pagtutol ng Manibela sa PUVMP ang nagdulot ng limang araw na tigil pasada.
Sabi ni Manibela chairman Mar Valbuena, dapat hanggang Miyerkules (Marso 26) ang kanilang tigil pasada pero minaliit daw ito ng pamahalaan at sinabing nabigo raw na paralisahin ang public transportation kaya ipinagpatuloy na nila hanggang Biyernes.
Sinabi ni Valbuena na tila kulang sa “sense of urgency” ang Department of Transportation (DOTr) dahil kung kailan na sila nag-anunsiyo ng welga noong nakaraang Biyernes ay saka lamang nagpatawag ng dayalogo. Naglatag daw ng dayalogo sa kanilang grupo ang isang kawani ng DOTr, pero mas maganda kung ang mismong si DOTr Secretary Vince Dizon ang makikipagdayalogo sa kanila. Maihahayag umano niya kay Dizon ang mahahalagang bagay ukol sa jeepney modernization. Idinagdag pa ni Valbuena na habang nakikipagdayalog daw ang Manibela kay Dizon, ang unconsolidated jeepney operators at drivers ay dapat makabiyahe nang libre sa ruta habang nagpapatuloy ang negosasyon.
Una nang sinabi ni Valbuena na dapat sibakin ni Dizon si Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFTB) Chairman Teofilo Guadiz dahil sa pagsisinungaling. Ayon kay Valbuena, sinabi ni Guadiz na 80 percent na ang nakapag-consolidate gayung 40 percent pa lamang ito.
Habang ang grupo ni Valbuena ay mahigpit ang pagtutol sa pag-consolidate, marami rin namang samahan ng public transport ang nagsabing pabor sila sa PUVMP. Ayon sa mga pabor sa PUVMP, malaki na ang naging puhunan nila at maayos naman ang programa. Mas marami umanong pasahero na nasisiyahan sa mga modernong jeepney sapagkat komportable sila rito dahil malinis at malamig.
Noong nakaraang taon, nagbanta ang mga lider ng transport group na pabor sa PUVMP na handa naman silang magtigil-pasada kapag itinigil ng pamahalaan ang programa. Marami na umano na silang naiambag para maipatupad ang programa kaya maaari rin silang magtigil-pasada kung sususpindihin ito ng pamahalaan.
Nararapat nang magpasya ang DOTr ukol sa PUVMP at ang pinakamagandang magagawa ay ipagpatuloy ito. Sundin ang nakararami dahil mabuti naman ang layunin ng modernisasyon sa public transport.
- Latest