TNVS drivers, nagoyo ng estafador sa panahon ng COVID-19!
ANO ang mas mabilis mawala—ang pasensiya ng Pinoy sa heavy traffic o ang hustisya para sa mga drayber na niloko ng isang estafador? ‘Yan po ang tanong ng mga driver ng Transport Network Vehicle Services na niloko ng isang alyas Jun de Leon, na imbes na tulungan sila para magkaroon ng ayuda mula sa gobyerno ay ang pansariling interes ang ikinasa.
Sinampahan na ng kasong estafa si De Leon sa Quezon City prosecutor’s office noong 2021 pa, at ang isinumite ng mga nagreklamo ang kanilang testimonya, at pormal na reklamo nila sa mismong head office ng Department of Social Welfare and Development. Subalit hanggang sa ngayon, wala pang balita sa kaso o hindi gumagalaw ito. Anyare? Sanamagan!
“Apat na taon na ang nakalipas, ngunit parang TNVS driver na na-auto-cancel—hindi pa rin makita kung nasaan na ang hustisya,” ayon sa mga driver. Ang buong akala ng mga kosa ko, traffic lang ang mabagal sa Pinas, maging ang mga kaso din pala! Hehehe! Ambot sa kanding nga may bangs!
Sa gitna ng COVID-19 pandemic, kung kailan desperado ang mga ride-hailing drivers na makaraos, isang iskandalo ang lumutang—ang diumano’y pananamantala ni De Leon sa ayuda ng gobyerno. Ayon sa police report, may ebidensiya na ginamit ni De Leon at ng kanyang mga alipores ang koneksyon nila sa transport sector para makapangikil sa mga drayber na gustong makakuha ng ayuda mula sa DSWD sa kasagsagan ng pandemya noong 2021.
Ang masaklap, sa halip na ipaglaban sila na makakuha ng ayuda, siningil pa sila ni De Leon ng P1,500 kapalit ng pekeng certification para lang makuha ang perang dapat naman ay para sa kanila. Kung kailan kinakailangan ng mga TNVS drivers ang ayuda, doon pa sila naloko. Hindi ito ordinaryong kaso ng estafa—ito ay pagnanakaw mula sa mahihirap, mula sa mga taong walang ibang aasahan kundi ang ayuda ng gobyerno. Ang sakit sa bangs nito!
Habang ang ibang drayber ay walang maihain na pagkain sa pamilya at pilit na isinasalba ang kanilang mga sasakyan sa gitna ng lockdown, si De Leon ay unti-unting nagpakita ng marangyang pamumuhay. Napansin ng mga kosa ko sa mga post nya sa social media at mga TV interbyu ang suot niyang Rolex.
Bigla na ring lumitaw ang mga makapal na gintong alahas. At higit sa lahat, mukhang hindi naapektuhan ng hirap ng pandemya si De Leon tulad ng dinanas ng ibang TNVS drivers. Eh di wow!Hehehe! Kailangan pa bang i-memorize ‘yan?
Pero ngayon, 2025 na, anyare sa kasong isinampa ng TNVS drivers laban kay De Leon? Nakapagtataka namang hindi umuusad ang kaso dahil ba mga kawawang drayber lang ang naaberya? O dahil ba may kapit itong si De Leon sa gobyerno? O baka naman hindi talaga Jun de Leon ang tunay niyang pangalan? Nalintikan na.
Mga kagalang-galang na tagausig sa Quezon City, ano na ang nangyari sa kasong ito? Apat na taon na ang lumipas—walang galaw, walang progreso. Mas matindi pa sa rush hour traffic. Kung ordinaryong TNVS driver lang ang hindi nakabayad ng boundary, tiyak na tanggal agad sa biyahe. Pero bakit si De Leon, kahit may malinaw na ebidensya, tila hindi matinag?
Ganun na ba talaga kalakas ang “gasolina” ng koneksiyon? Sana ‘wag mabaon sa limot ang kasong isinampa ng TNVS drivers vs De Leon. Dipugaaa! Kaya bago pa tuluyang maisahan ang mga TNVS drivers, oras na para buksan ang makina ng hustisya. Abangan!
- Latest