Nagaganap sa bansa, katotohanan o guniguni?
PINAGPISTAHAN ng mamamayan ang inugali ni Kitty Duterte sa ginawang pag-aresto ng InterPol at PNP sa kanyang amang si dating Presidente Digong Duterte nang dumating mula sa Hong Kong noong Marso 11. Minura raw ni Kitty si CIDG chief Major Gen. Nicolas Torre III.
Magkapatid nga si Kitty at Baste.
Masakit naman talaga sa isang anak na makitang kinakawawa ang kanilang ama lalo pa sa panahon ng kahinaan ng pangangatawan nito. Hawig sa naging karanasan ni Sen. Imee Marcos noong 1986, di ba?
Laking tuwa naman ni dating Senador Antonio Trillanes sa nangyari dahil napatunayan nito na totoong may warrant of arrest na nakahanda ang International Criminal Court (ICC) para kay Digong at dumating nga ayon sa kanyang prediksiyon. Hmmm!
Inaasahang maglalatag ang mga abogado ni Digong ng reklamo sa Supreme Court sa legalidad at teknikalidad sa ginawang pag-aresto. Kumalas na kasi tayo bilang miyembro ng ICC mula pa noong 2019. Epektibo kayang depensa ‘yun?
Usapin sa human rights violations ni Digong noong mayor pa ito ng Davao City na nagpatuloy ng maging presidente noong 2016. Si dating senador Leila de Lima ang unang nag-imbestiga, pero nauna pa siyang nakulong. Nakapangingilabot na guniguni!
Magiging paksa ito sa pulitika, pero papabor ito sa grupong may magagaling na mga propagandista. Malamang na bumaha ang sandamukal na “fake news” sa social media na palsipikado rin ang pinaghahanguan (linkages). Baka pati si U.S. President Donald Trump ay magulat sa galing ng Pinoy, he-he-he!
Nakakaaliw rin naman ang mga balita at komentaryong napapanood natin sa internet na kabisadung-kabisado ni PCO Usec. Atty. Claire Castro kung paano kukulatain. Nagmula rin kasi sa credible media networks si Castro.
- Latest