Mayang (166)
“PAGKUKUWENTO sa akin ni Mam Araceli, nabigla siya nang sabihin sa kanya ni Manuel na nagpaplano na ito para sa kanilang kasal. Gusto raw ni Manuel na sa sunod na taon sila magpakasal.
“Hindi raw agad nakapagsalita si Mam dahil hindi niya inaasahan ang plano ni Manuel. Mayroon na raw sapat na ipong pera si Manuel na magagamit sa kanilang kasal.
“Dahil daw sa kasiyahang nadama, biglang hinalikan ni Mam si Manuel. Si Manuel naman daw ang natigilan dahil sa ginawa ni Mam na paghalik.
“Mula raw noon ay lalo pang naging matamis, matibay at matatag ang kanilang pagmamahalan.
“Madalas daw silang magpunta sa mga magagandang lugar. Napakasaya raw ng pakiramdam ni Mam Araceli kapag magkahawak sila ng kamay na namamasyal. Habang nakatingin daw sila sa lumulubog na araw ay nagpapalitan sila ng pangako na walang sisira sa kanilang pagmamahalan.
“Magiging matibay at walang sinuman ang makapaghihiwalay sa kanila.
Nagsumpaan daw talaga silang dalawa ni Manuel. Walang sisira sa pangako.
Walang magtataksil.
“Sabi pa ni Mam, talaga raw si Manuel na ang lalaking gusto niyang makasama habambuhay—wala nang iba pa.”
Tumigil si Mayang.
“May kasunod pa ba?’’ tanong ni Jeff.
“Wala na.”
“Anong wala na? Hanggang dun na lang? Bitin!”
“Hanggang dun na lang dahil nasira ang kanilang magandang relasyon.”
“Anong nangyari? Sino ang sumira?”
“Si Manuel!”
“Paano? Ikuwento mo na Mayang!”
Bumuntonghininga si Mayang.
“Baka maiyak na naman ako Jef.”
“Bakit?”
“Sobrang sakit nang nangyari kay Mam. Hindi niya inaasahan.”
“Nagtaksil si Manuel? Paano? Bakit niya nagawa yun?”
Muling bumuntonghininga si Mayang.
At tinuloy ang nangyari kina Mam at Manuel.
(Itutuloy)
- Latest