‘Labaha’ (Last Part)
KINABUKASAN habang nag-aalmusal kami nina Inay, Tiyo Nonoy at kapatid kong bunso ay humingi ako ng tawad.
“Patawarin mo na ako Tiyo Nonoy sa inasal ko. Hindi na po mauulit ang ginawa ko. Nagsisisi na po ako,’’ sabi kong parang maiiyak.
Hindi agad nakapagsalita si Tiyo Nonoy. Maski si Inay at ang aking kapatid ay napatda sa aking ginawang paghingi ng paumanhin.
“Salamat Paul. Alam ko namang nabigla ka lang kaya ka nakapagsalita ng hindi maganda. Alam kong mabait ka.”
“Salamat po Tiyo Nonoy.’’
“Siyanga pala, may sasabihin ako sa’yo. Pagkatapos mo ng high school ay sa Maynila ka mag-aaral ng civil engineering. Malaki na ang naipon namin para sa iyong pag-aaral. Alam kong matutupad ang pangarap mong maging engineer.”
Kahit alam ko na ang sinabi ni Tiyo Nonoy dahil narinig ko sa pag-uusap nila ni Inay kahapon, halos maiyak pa rin ako sa tuwa. Talagang pangarap kong maging civil engineer.
“Salamat Tiyo Nonoy. Napakabuti mo.’’
Tumayo ako at nilapitan si Tiyo Nonoy at niyakap siya nang mahigpit.
“Siyanga pala Paul, bukas ay gugupitan kita. Mahaba na ang buhok mo.’’
“Opo Tiyo Nonoy.’’
Makaraan iyon, nang dumaan ako sa salas ng bahay namin, nakita ko ang laminated na photo ni Itay na nakasabit sa dingding. Nakangiti siya sa akin.
- Latest