‘Labaha’ (Part 7)
MATAPOS akong gupitan at ahitan ni Mang Santi ay kumalma na ang loob ko. Bahagya ring nawala ang hapdi ng ulo ko dahil sa ginamit na labaha ni Tiyo Nonoy. Nagpasalamat ako kay Mang Santi dahil sa pagretoke sa buhok ko. Sabi ko, sa kanya na lang lagi ako magpapagupit. Ayaw ko kay Tiyo Nonoy na mapurol ang labaha. Napangiti lang si Mang Santi sa sinabi ko. Hindi na siya nagsalita ng anuman tungkol sa labaha ni Tiyo Nonoy.
Si Inay naman ay hindi pa rin lubos makapaniwala sa nangyari na nasaktan ako sa labahang ginamit ni Tiyo Nonoy.
“Paul, sabi ni Tiyo Nonoy mo e matalas ang labahang ginamit niya. Nagtataka siya kung bakit ka raw nasaktan.”
“Magsisinungaling ba ako Inay? Talagang nasaktan ako sa ginamit niyang labaha. Hindi naman ako aaray kung hindi ako nasaktan,’’ sabi ko.
“Bagong hasa raw iyon kaya nagtataka rin siya.”
“Hindi ako nagsisinungaling, Inay! Talaga pong mapurol ang kanyang labaha. Bakit hindi niya subukan na ipang-ahit sa kanya ang labahang ginamit sa akin. Siguro ay talagang gusto akong gantihan ni Tiyo Nonoy. Kasi, nararamdaman niyang hindi ako boto sa kanya. Ayaw ko siyang kapalit ni Itay. Malayung-malayo ang ugali niya kaysa kay Itay!”
“Huwag kang magsalita ng ganyan, Paul. Igalang mo ang Tiyo Nonoy mo.”
Hindi na ako sumagot pa. Alam kong ipagtatanggol ni Inay ang ikalawang asawa.
Mula noon, lalo pang lumayo ang loob ko kay Tiyo Nonoy. Naaasar ako kapag nakikita siya.
Hanggang naisipan kong nakawin ang ginagamit niyang labaha!
Pinlano ko ang mga gagawin. (Itutuloy)
- Latest