Puwede bang kaltasan ang final pay para sa nasirang gamit?
Dear Attorney,
Maari bang magkaltas ang employer mula sa matatanggap kong final pay kung may nasira akong gamit? —Claire
Dear Claire,
Kahit na mahalaga sa batas ang pagprotekta sa kapakanan ng mga manggagawa, kinikilala pa rin naman nito ang karapatan ng employers, kabilang na ang kanilang property rights o ang karapatan nila sa kanilang mga ari-arian.
Sa kaso ng Milan v. NLRC (G.R. No. 202961, 04 February 2015) ay kinilala ng Korte Suprema ang karapatan ng employer na bawasan ang sahod na natatanggap ng empleyado para sagutin ang kanyang “debt”, batay sa Article 1706 ng Civil Code.
Ayon sa nasabing kaso, ang salitang “debt” sa Article 1706 ay tumutukoy sa anumang obligasyon ng empleyado sa kanyang employer at hindi lamang sa mga sitwasyon kung saan may hiniram na salapi ang employee.
Ibig sabihin, maari kang papanagutin ng employer mo kung may nasira kang gamit, sa pamamagitan ng pagbawas ng halaga ng nasirang gamit mula sa iyong final pay. Iyon nga lang, kailangang patas ang halagang iaawas sa sahod mo.
Tingnan mo kung tama ang valuation o ang pag-estima sa halaga ng gamit nang ito ay nasira.
Kung masyadong malaki at sa tingin mo ay hindi karapat-dapat ang halagang binawas sa iyong final pay ay maari kang magreklamo sa opisina ng DOLE na pinakamalapit sa iyong pinagtatrabahuhan.
- Latest