Wish ko lang para sa eleksiyon
KUNG magkakatotoo ang resulta ng mga survey, ang ating Senado ay patatakbuhin ng mga nagmula sa media o pelikula at sa iisang pamilya. Maaaring ito rin ang mangyari sa Mababang Kapulungan. Ibig sabihin, ang Kongreso na tagagawa ng batas ay patatakbuhin ng mga sikat na personalidad o ng mga taong galing sa iisang pamilya. Siguradong ganyan din ang mangyayari sa mga lokal na opisyales—mula sa mga konsehal, bokal, gobernador at bise, mayor at bise. Tila tayo’y isang bansang nakakulong sa ganitong paikut-ikot na sitwasyon kung kaya’t hindi tayo sumusulong, kumpara sa mga kapitbahay nating bansa sa Asya na iniwan na tayo nang milya-milya.
Ano kaya ang pwede nating gawin upang makahulagpos sa ganitong kalagayan na kung tawagin ay isang vicious cycle? Ang demokrasya na ang pangunahing pilosopiya ay ang pagkakapantay-pantay ng lahat ay naaabuso at pinakikinabangan ng mga taong ang pangunahing layunin ay pangalagaan ang pansariling kapakanan.
Bilang isang ordinaryong mamamayan, marami akong wish ko lang, mahirap mangyari dahil labag sa demokrasya. Kaya nga, nagkakasya na lang ako sa wish ko lang para ipahayag ang aking pangarap at pagkasiphayo.
Wish ko lang na baguhin ang batas upang taasan ang kuwalipikasyon ng mga kandidato, lalo na sa posisyon ng Presidente, Bise Presidente, Senador, at Kongresista.
Sa ilalim ng kasalukuyang batas, basta likas na mamamayang Pilipino, may sapat na gulang, at marunong bumasa’t sumulat ay maaari nang tumakbo sa mga nabanggit na puwesto. At marami ngang nahahalal na tanging ang mga iyan ang kuwalipikasyon. Mas mataas pa ang kuwalipikasyong hinihingi sa isang nag-aaplay na clerk sa isang tanggapan ng gobyerno—kailangang nagtapos ng kolehiyo at pumasa sa qualifying examination.
Wish ko lang na maipatupad na ang itinatadhana sa ating Konstitusyon na nagbabawal sa political dynasty. Sa halip na sundin ang pagbabawal na ito, lalo pang pinatatag ng mga pulitiko ang political dynasty, kung saan nagpapalit-palitan lang sa puwesto sa gobyerno ang malalapit na magkakamag-anak na parang ang serbisyo publiko ay naging negosyong pampamilya. Wish ko lang na ang gagawing pag-uutos ng Korte Suprema ay agaran, “fortwith,” hindi na maaaring ipagpaliban at dapat isagawa sa lalong madaling panahon.
Wish ko lang na lumikha ng batas na magtatatag ng tunay na sistema ng partido pulitikal, kung saan ang partido ay may tinitindigang plataporma na ipatutupad ng mga nanalong kandidato. Ang partido ang unang sasala sa mga kandidato para tiyakin na pasado ang mga ito sa mga kuwalipikasyong itinatadhana ng batas.
Ang popularidad ay hindi kasama sa kuwalipikasyon. Sapagkat may malaking papel ang partido sa pagluluklok sa mga kuwalipikadong kandidato, popondohan ng gobyerno ang partido na mangangampanya sa mga kandidato nito.
Wish ko lang na ang Presidente at Bise Presidente ay magkasabay na iboboto mula sa isang partido. Ibig sabihin, ang boto sa Presidente ay siya ring boto sa Bise Presidente, kaya hindi maaaring mangyari na ang mabotong Presidente at Bise Presidente ay mula sa magkaibang partido at magkabangga sa mga prinsipyo, na tulad ng nasasaksihan natin ngayon.
Ang pag-aaway ng dalawang pinakamataas na lider ng bansa ay mauuwi sa malawakang pag-aaway at pagkakahati-hati ng mga Pilipino.
Wish ko lang—sana’y magkatotoo sa panahong buhay pa ako!
- Latest